EDITORYAL — Trahedyang paulit-ulit na lang

KARANIWAN na sa bansa ang pagkasunog at paglubog ng mga pampasaherong barko. Pilipinas ang may pinakarami at pinakamalagim na trahedya sa karagatan. Halimbawa ay ang trahedya ng MV Doña Paz noong Disyembre 20, 1987 nang makabanggaan sa laot ang MT Vector. Nasunog ang Doña Paz na ikinamatay ng 6,000 pasahero. Iyon ang pinakamalagim na sea tragedy sa kasaysayan ng bansa. Sa kabila ng pangyayari sa Doña Paz, marami pang naganap na trahedya na tila hindi nagkaroon ng aral ang mga may-ari ng shipping lines.
Pinakahuling trahedya ang nangyari sa M/V Trisha Kerstin 3 na 18 ang namatay nang lumubog sa karagatan ng Basilan noong Lunes ng madaling araw. May lulan na 332 pasahero at 27 crew members ang barko. Ang Trisha Kerstin 3, isang Roll-on/Roll-off vessel ay pag-aari ng Aleson Shipping Lines. Nanggaling ang barko sa Zamboanga City at patungo ng Jolo, Sulu, nang maganap ang trahedya.
Ayon sa mga nakaligtas, maayos ang panahon nang umalis ang barko sa pantalan. Ayon naman sa PCG, hindi overloaded ang barko nang umalis sa port ng Zamboanga City. Ipinatigil ng Department of Transportation (DOTr) ang biyahe ng lahat ng barko ng Aleson Shipping Lines habang iniimbestigahan.
Natuklasan na maraming barko ng Aleson ang nasangkot sa iba’t ibang trahedya. Noong Hulyo 2002, nakabanggaan ng Aleson Container Carrier 5 ang isang barko habang nasa karagatan ng Cebu na ikinamatay ng isang crew. Noong Marso 2003, ang barko ng Aleson na MV Ciara Joie ay lumubog sa karagatan ng Bacolod habang nagbababa ng mga pasahero. Wala namang namatay sa insidente.
Noong 2016, dalawang aksidente ang kinasangkutan ng mga barko ng Aleson—isa ang MV Lady Mary Joy na lumubog sa Tawi-Tawi at ang MV Danica Joy na lumubog sa Zamboanga port.
Noong Marso 2023, nasunog at lumubog ang barko ng Aleson na MV Lady Mary Joy 3 habang naglalayag sa Baluk-Baluk Island sa Basilan na ikinamatay ng 31 pasahero at pito ang nawala. Iyon ang pinakamalagim na trahedyang naganap sa barko ng Aleson.
Bakit ngayon lang sinuspende ang biyahe ng mga barko ng Aleson? Bakit walang naging aksiyon ang DOTr at ang Marina noon. Hinayaan na makapagyaot ang mga barko sa kabila na marami nang paglabag. Ngayon, panibagong trahedya na naman ang kinasangkutan ng shipping lines. Hindi na dapat hinahayaan ang mga barko na naghahatid sa mga pasahero sa huling hantungan.
- Latest
















