EDITORYAL - Hulihin, mga nagtatago sa batas

MARAMING nauuhaw sa hustisya sapagkat ang mga inaakusahan o “utak” ng krimen ay hindi pa nadadakip. Taon na ang binibilang subalit patuloy pa ring nakalalaya. Sadya bang mahina ang galamay ng batas at hindi maabot ang utak? Ginagawa ba nila ang lahat ng paraan para mahuli ang mga ito? O hinahayaan na lang?
Maraming pinaghahanap ng batas ang hindi madakip at ang ganito ay nagdadagdag ng sakit sa mga kaanak. Kailan nila makakamtan ang katarungan? O ipagpapasa-diyos na lamang ang lahat?
Hanggang ngayon, hindi pa nahuhuli si dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag. Siya ang tinuturong utak sa pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid noong Oktubre 3, 2022 sa Las Piñas City. Papasok sa kanyang radio program si Lapid nang barilin. Agad nahuli ang gunman na si Joel Escorial at inamin na binayaran siya ng P550,000 para patayin si Lapid. Itinuro ni Escorial si Bantag at ang deputy nito na si Ricardo Zulueta. Sinampahan ng kaso sina Escorial, Bantag at Zulueta. Nagtago si Bantag. Namatay si Zulueta nang atakehin sa puso, Nahatulan ng 16 na taong pagkabilanggo si Escorial.
Nasaan na si Bantag? Wala nang balita kung nasaan siya. Hinahanap pa ba siya ng mga awtoridad?
Pinaghahanap din ang “malaking isda” na si dating Ako Bicol party-list representative Zaldy Co. Kinasuhan siya sa maanomalyang flood control projects sa Naujan, Oriental Mindoro. Nasa Portugal umano si Co, ayon kay DILG Sec. Jonvic Remulla. Hihilingin umano ng pamahalaan ng Pilipinas ang tulong ng Interpol. Hanggang ngayon, wala pang balita kung kailan “malalambat” ang “malaking isda”.
Nadagdag kina Bantag at Co ang negosyanteng si Atong Ang na itinuturong “utak” sa pagkawala ng 34 na sabungeros sa pagitan ng 2021-2022. Naglahong parang bula si Ang makaraang ipag-utos ng Laguna Regional Trial Court na arestuhin ito kasama ang 17 iba pa na karamihan ay mga pulis.
Ayon kay Interior Sec. Remulla, nasa Thailand na si Ang. Iniimbestigahan na raw kung paano nakalabas ng bansa ang negosyante. Maaring sa back door daw ito nagdaan. Lumutang naman na tinulungan si Ang ng mga retirado at aktibong police general para makalabas ng bansa.
Maraming wanted sa batas na hindi madakma. Kailan sila madadakip? Maghihintay na lang ba sa wala ang mga kaanak ng biktima? O mababaon na lamang sa limot ang lahat?
- Latest
















