^

Punto Mo

Mawawala ba ang gravity ng Daigdig?

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

MAY lumitaw kamakailan sa social media na isang kakatwang teorya: mawawala umano ang gravity ng Daigdig sa Agosto 12. Ayon sa mga nagpapakalat nito, pitong segundo raw mawawala ang puwersang humahatak sa lahat ng bagay pababa—at milyun-milyong tao ang mamamatay. Mariin itong pinabulaanan ng National Aeronautics and Space Administration (NASA).

Hindi gaanong umabot sa mga tradisyunal na pahayagan at mapagkakatiwalaang news sites ang ulat, marahil dahil wala itong anumang siyentipikong batayan. Hindi rin ito binigyang-pansin ng mga kilalang science pages at fact-checking groups. Sa madaling salita, isa itong kuwento na mabilis kumalat sa social media, ngunit mabilis ding bumagsak kapag sinuri ng agham.

Ayon sa mga nagpapakalat ng teorya, merong secret document na “naligwak” noong Nobyembre 2024 na nagbubunyag sa tinatawag na “Project Anchor” ng NASA—isang lihim na paghahanda sakaling biglang maglaho ang gravity ng Daigdig. Ang pagkawala raw ng gravity ay dulot ng pagsasanga o pagkalat ng tinatawag na gravitational waves na malilikha sa pagbabanggaan ng mga black hole sa malayong bahagi ng kalawakan.

Parang pampelikula ang kuwento. At sa masusing pagsusuri, doon ito nababagsak.

Binanggit sa isang ulat ng New York Post na malabo at kahina-hinala ang pinagmulan ng teorya. Kabilang sa pinanggalingan nito ang Instagram account na @mr_danya_of—isang account na kilala sa paggawa ng mga pekeng balita at clickbait content na madalas pinapatulan ng mga troll. Wala ring opisyal na pahayag, dokumento, o anunsiyo mula sa NASA na may kinalaman sa tinatawag na “Project Anchor”.

Idiniin ng NASA at ng mga physicist na hindi mawawala ang gravity ng Daigdig sa Agosto 12—o sa alinmang petsa. Ipinaliwanag ng mga eksperto na ang gravity ay hindi isang makinang puwedeng patayin o isang sistemang puwedeng i-off. Ito ay likas na katangian ng mga bagay na may bigat.

Sa agham, ang lakas ng gravity ng isang planeta ay itinatakda ng mass nito—ibig sabihin, ang kabuuang bigat o dami ng materyal na bumubuo rito. Sa kaso ng Daigdig, kabilang dito ang pinagsamang bigat ng core, mantle, crust, karagatan, lahat ng tubig sa lupa, at maging ang atmospera. Para tuluyang mawala ang gravity ng mundo, kailangang mawala ang mismong Daigdig o halos lahat ng bigat nito—isang bagay na imposible ayon sa kasalukuyang batas ng pisika.

Isang eksperto sa black holes na si Dr. William Alston ng University of Hertfordshire ang nagpaliwanag sa Daily Mail na bagama’t totoo ang pag-iral ng gravitational waves, ang epekto nito sa Daigdig ay napakahina. Sa katunayan, kinakailangan pa ng napaka-sensitibong mga instrumento upang matukoy lamang ang mga ito. Wala itong kakayahang burahin o pahinain ang gravity ng ating planeta.

Ano nga ba ang gravity?

Sa pinakasimpleng paliwanag, ang gravity ay isang hindi nakikitang puwersa na humahatak sa lahat ng bagay—may buhay man o wala—patungo sa isa’t isa. Ito ang dahilan kung bakit nahuhulog ang mansanas mula sa puno, kung bakit bumabagsak tayo pabalik sa lupa kapag tumatalon, at kung bakit nananatili ang mga karagatan sa ibabaw ng planeta.

Ang gravity rin ang dahilan kung bakit umiikot ang mga planeta sa paligid ng Araw at kung bakit kailangang gumamit ng napakalaking lakas—sa anyo ng gasolina at enerhiya—ang mga eroplano at rocket o spaceship upang makaalis sa ibabaw ng Daigdig. Kung walang gravity, hindi lang tao ang lilipad; pati ang hangin, tubig, at mismong atmospera ng mundo ay maglalaho.

-oooooo-

Email: [email protected]

NASA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with