‘Muning’ (Part 1)
HINDI ako mahilig mag-alaga ng hayop na-pusa, aso, kuneho, baboy at iba pa. Mas gusto kong walang kasamang hayop sa bahay.
Isa pa, ayaw kong nakakaamoy ng tae at ihi ng hayop lalo ang pusa.
Bumabaliktad ang sikmura ko kapag nakaaamoy ng tae o ihi ng pusa. Naiirita ako. Sa aming subdibisyon ay mga nagkalat na pusa. Dati ay iilan lamang ang mga iyon pero biglang dumami.
Kapag naglalakad ako sa umaga patungong opis ay naaamoy ko ang mapanghing ihi ng pusa. At ganundin naman tae ng pusa! Masusuka ako kapag nakaamoy ng ihi at ebs ng pusa.
Nag-iisa ako sa bahay dahil ang mga magulang ko at isang kapatid ay penitisyon ng kuya ko sa Tate. Sabi ni Kuya ay ako raw ang susunod. Pero nagdadalawang-isip ako kung doon titira o dito sa Pinas. Maganda rin naman ang work ko sa isang accounting firm. Parang gusto ko nang dito magpirmi.
Kaya nag-iisa ako sa bahay namin. Ang bahay at lupa ay binili nina Papa at Mama noong dekada 80. Bunggalow type ang bahay na nasa 100 square meters na lote.
Tuwing umaga na lalabas ako sa gate, nakikita ko ang isang pusang itim na may guhit na puti sa noo tuxedo cat ang tawag sa breed na yun.
Dahil hindi nga ako mahilig sa pusa, hindi ko pinapansin. Isinasara ko mabuti ang gate at baka makapasok.
Pag-uwi ko sa hapon, naroon pa rin sa gate ang pusang Tuxedo.
(Itutuloy)
- Latest















