‘Lapis’ (Part 6)
NANG nasa loob na kami ng bahay saka ako nakapagsalita at isinalaysay kina Tatay at Inay ang nangyari habang ako ay pauwi.
Hindi makapaniwala ang aking mga magulang sa ikinuwento ko. Si Tatay ay balisang-balisa.
“Ano pa ang ginawa sa’yo?”
“Basta po inakbayan ako at balak dalhin sa loob ng kawayanan,” sagot ko.
Hilakbot si Inay.
“Bakit hindi ka sumigaw? Malapit na rito sa atin ang kawayanan ah!”
“Sumigaw ako, Inay pero walang lumalabas sa bibig ko. Paulit-ulit po ang pagsigaw ko para may makarinig.”
“Bakit nga pala hawak mo ang lapis?” tanong ni Itay.
“Sinaksak ko po ang braso. Malakas ang ginawa kong pagsaksak. Nabitiwan ako. Nagtatakbo na po ako.”
Tiningnan ni Itay ang lapis. Wala siyang nakitang bakas ng dugo roon.
“Hindi mo nakita ang mukha ng taong yun?” tanong ni Itay.
“Hindi po dahil hindi ako makalingon. Mabigat ang pagkakapatong ng balahibuhing kamay sa balikat ko.”
“Balahibuhin ang kamay?”
“Opo—parang gorilya!” (Itutuloy)
- Latest
















