‘Lapis’ (Part 4)
MABIGAT ang balahibuhing kamay na umakbay sa akin at hindi ako makakilos. Hindi ko magawang iwaksi.
Hindi rin ako makalingon o matingnan ang mukha ng umakbay sa akin.
Bukod dun hindi ko rin naman makita dahil sobrang dilim sa lugar.
Sumigaw ako pero walang lumalabas sa bibig ko.
Habang tumatagal, pabigat nang pabigat ang kamay na nakaakbay sa akin. Nakatagilid na ako habang naglalakad.
Nang ibaling ako ng misteryosong nakaakbay sa ibang direksiyon—patungo sa kawayanan, bigla kong naisip ang isang paraan para makakawala sa pagkakaakbay. Dinukot ko ang lapis sa aking bag sa pamamagitan ng aking kaliwang kamay. Maingat at dahan-dahan ang pagdukot ko sa lapis.
Nang maabot ko ang lapis sa bag, hinugot ko iyon at ubos lakas na isinaksak sa braso na nakaakbay sa akin.
Matulis ang lapis kaya bumaon sa braso ng misteryosong nakaakbay sa akin.
Dahil dun, nabitiwan ako at sinamantala ko ang pagkakataon. Tumakbo ako nang mabilis kahit madilim sa lugar. (Itutuloy)
- Latest
















