Flocefida (258)
NAGPATULOY sa pagsasalita si Malou.
“Siguro ay hindi ka pa nakakarekober sa ginawa sa iyo ng karelasyon mo kaya hindi mo ako matutuhang mahalin. Kahit ako na ang nagpakita ng motibo at kinapalan na ang mukha ay balewala pa rin sa’yo. Sabagay, hindi ko naman puwedeng turuan ang puso mo. Tanggap ko na wala talaga akong puwang sa puso mo. Hayaan mo Kikoy at hindi na kita gagambalain. Hindi na ako magmamakaawa sa iyo,’’ sabi ni Malou at nangilid ang luha.
Hindi naman malaman ni Kikoy ang gagawin.
Parang naaawa siya kay Malou.
Kapag nakikita niyang lumuluha ang babae ay nababagbag ang loob niya.
Ano ang gagawin niya?
“Magpapaalam na ako Kikoy,’’ sabi ni Malou habang pinapahid ng daliri ang manipis na luha.
“Bago ako umalis, puwede ba kitang mahalikan?” (Itutuloy)
- Latest




















