Limbag na litrato mahalaga pa rin
KARANIWAN na sa panahon ngayon ang pagtatago ng mga litrato sa cellphone o smartphone, iPad o tablet, at sa laptop o desktop computer. Depende sa kakayahan ng gadget at sa laki ng memorya nito ang bilang ng mga litratong mailalagak at mapepreserba. Patuloy silang dumarami habang tumatagal, lalo na kapag may mahahalaga o masasayang okasyon, mga sandaling gusto nating maulit at manatili sa alaala: isang reunion, kaarawan, bakasyon, graduation, kasal, Pasko, Bagong Taon, o kahit simpleng lakad lamang. Nariyan din ang pagnanais na maipreserba ang kaanyuan at gunita ng mahal sa buhay, o ng sarili rin natin habang lumilipas ang panahon.
Napakadali ngang bumalik sa mga larawang ito. Sa isang pindot lang sa screen, lumulutang ang mga alaala. Maaari silang paliitin o palakihin, maipasa sa iba sa pamamagitan ng internet, at kayang baguhin ang kulay, liwanag, o kabuuang itsura.
Subalit may limitasyon ang lahat ng ito. Ang mga digital na larawan ay nakadepende sa gadgets at sa storage kung saan sila nakapailalim. Kapag nasira ang cellphone, nawala, nanakaw, o nahawaan ng malware o virus ang computer, maaaring kasama ring maglaho ang lahat ng naipong litrato. May mga pagkakataong hindi na marekober ang data kapag nasira ang mismong memory chip o storage device. Kahit ang mga external na imbakan tulad ng USB flash drive at external hard drive o external solid-state drive ay puwedeng masira sa paglipas ng panahon. Ang SSD, halimbawa, ay gumagamit ng flash memory na may limitadong bilang ng pagsulat at pagbura bago tuluyang humina. Samantala, ang hard disk drive naman ay may umiikot na platong metal sa loob na puwedeng masira dahil sa pagtanda o pagyanig. Kahit ang cloud storage na sinasandigan natin ay nangangailangan pa rin ng maayos na password at proteksiyon laban sa hacking.
Kaya sa kabila ng pagsulong ng digital technology, nananatiling mahalaga pa rin ang pagpapalimbag ng mga litrato. Ang printed photo ay hindi nakadepende sa kuryente, internet, o gadget. Nakikita ito ng mata nang direkta, nahahawakan, nalalapitan, at nagiging pisikal na bahagi ng ating buhay. Ayon sa mga pag-aaral sa psychology, mas nagtatagal sa memorya ng tao ang mga imaheng nakikita at nahahawakan kaysa sa mga digital lamang na nakapaloob sa screen. Iba ang epekto ng isang lumang litrato na nasa photo album o nakaframe sa sala: nagiging tulay ito sa pag-alala, pakikipag-ugnayan, at pagbabahagi ng kwento sa pamilya at kaibigan.
Ang nakalimbag na litrato ay maaaring tumagal nang maraming dekada kung naitatago nang maayos at hindi direktang nasisikatan ng araw. Sa panahon na biglang mawalan ng kuryente, mawalan ng signal, o tuluyang masira ang gadget, nananatili pa ring buhay ang alaala sa pamamagitan ng isang lumang litratong nasa kahon o album. Siyempre, mas madali ito para sa mga may sariling printer o may budget para sa photo printing. Hindi naman kailangang ipalimbag ang lahat ng litratong nasa cell phone o tablet. Mas makabubuting piliin lamang ang pinakamahahalaga at pinakamalapit sa puso: mga sandaling hindi na mauulit, mga taong gusto nating patuloy na makita kahit sa larawan na lamang, at mga tagpong nagbigay saysay sa ating buhay. Ang mga ito ang maisasama sa photo album, ipa-frame, ipa-laminate, o ipadala sa mga mahal sa buhay na nasa malayo.
Sa kabila nito, marami pa ring tao ang kuntento nang ilagak sa cellphone ang lahat ng iniingatang litrato. Maaaring abala sila, wala sa prayoridad ang pagpapaprint, o sadyang umaasa na lamang sa memory card at cloud storage. Ngunit kung minsan, saka lamang natin mararamdaman ang kahalagahan ng pisikal na litrato kapag huli na—kapag naglaho na ang data, nasira ang gadget, o hindi na mabuksan ang file format dahil nagbago na ang teknolohiya.
Ang digital na larawan ay mabilis, magaan, at praktikal. Ngunit ang litratong nalilimbag ay nananatiling saksi—hindi lamang sa sandali, kundi sa paglipas ng panahon. Sa huli, baka hindi lamang memory storage ang mahalaga, kundi ang mismong alaala na may pisikal na anyo, tahimik ngunit buháy, at naghihintay na muling madampian ng ating mga kamay.
------
Email: [email protected]
- Latest
















