Tao balik sa Buwan ngayong 2026
ISA sa mga pinakamalaking inaabangan ngayong 2026 ay ang inaasahang pagbabalik ng tao sa Buwan. Target ito na maganap sa pagitan ng Pebrero at Abril, depende sa magiging takbo ng mga paghahanda at pagsusuri sa kaligtasan.
Kapag natuloy, ito ang magiging unang pagkakataon sa loob ng mahigit kalahating siglo na muling maglalakbay ang mga astronaut patungo sa natural na satelayt ng Daigdig. Huling naganap ang seryeng paglapag ng tao sa Buwan noong panahon ng Apollo program, na nagtapos bandang 1972.
Sa mga sumunod na dekada, puro robotic spacecraft, satellite, at mga teleskopyo ang kadalasang ipinapadala roon para magsagawa ng pag-aaral.
Ang bagong misyon ay bahagi ng Artemis program ng National Aeronautics and Space Administration (NASA) ng Estados Unidos, katuwang ang iba’t ibang bansang lumagda sa kasunduang pandaigdigan na sumusuporta sa mapayapa at kooperatibong paggamit ng kalawakan.
Sa Artemis I noong 2022, pinatakbo muna ang sasakyang-pangkalawakan nang walang sakay na tao upang subukin ang flight systems habang umikot ito sa paligid ng Buwan. Sa susunod na yugto ngayong 2026, inaasahang lilipad ang apat na astronaut—tatlong lalaki at isang babae—sakay ng Orion spacecraft upang lumibot sa paligid ng Buwan at bumalik nang ligtas sa Daigdig.
Layunin nitong patunayan na handa na ang lahat ng critical systems para sa mga susunod na misyon kung saan inaasahang aktuwal nang muling tatapak ang tao sa ibabaw ng Buwan sa loob ng ilang taon.
Mahalaga ang proyektong ito dahil ang Buwan ay nagsisilbing “testing ground” para sa mga teknolohiyang kakailanganin sa mas mahahabang biyahe. Ang distansya ng Buwan mula sa Daigdig ay humigit-kumulang 384,000 kilometro, at ang grabidad nito ay halos isang-anim lamang ng sa atin.
Dahil dito, nagiging natural na laboratoryo ito para sa mga eksperimento sa buhay-sa-labas-ng-Daigdig, mula sa pagtatanim ng halaman, hanggang sa paggamit ng yelo bilang pinagkukunan ng tubig at oxygen para sa mga astronaut.
Pinaniniwalaan ng mga siyentipiko na mayroong tubig-yelo sa mas madilim at malamig na bahagi ng buwan. Kung mapatutunayan at mapoproseso ito, malaking hakbang iyon sa layuning magkaroon ng semi-permanente o tuluy-tuloy na presensya ng tao roon.
Sinusubukan din sa Artemis ang mas modernong navigation systems, artificial intelligence sa pagproseso ng datos, at mas ligtas na life-support systems para sa matagalang pananatili sa kalawakan.
Bahagi ng pangmatagalang plano ang pagtatayo ng isang maliit na base sa Buwan at ang paglalagay ng istasyong kikilos na parang maliit na himpilan sa orbit ng Buwan, na tinatawag na Gateway. Kapag naisakatuparan ito, maaaring dito muna dumaong ang mga astronaut bago tumulak sa mas malalayong destinasyon tulad ng Mars.
Bagaman pinangungunahan ng Estados Unidos ang Artemis program, hindi ito nag-iisa. Maraming bansa at space agencies ang lumalahok at nagbibigay ng teknolohiya, kagamitan, at pondo. May sarili namang mga programa ang China, kabilang ang pagpapadala ng mga robotic lander at rover na matagumpay nang nakalapag sa Buwan.
May plano rin itong magtayo ng sarili nitong lunar research station bandang 2030. Nakikilahok din ang Japan, India, at Russia sa iba’t ibang misyon at eksperimento. Dahil dito, nagmumukhang tila may “karerang pang-Buwan” ang U.S. at China, bagaman umiiral ang mga pandaigdigang kasunduang nagsasabing walang anumang bansa ang maaaring umangkin sa alinmang bahagi ng kalawakan, kabilang na ang Buwan.
Sa panahong pinaghaharian ng internet at mabilis na pag-unlad ng artificial intelligence, mas sistematiko at mas malalim na maaarok ang mga impormasyong makakalap mula sa Buwan. Ngunit hindi rin maikakaila na may dimensyong pulitikal at simboliko ang proyektong ito: pagpapakita ng kakayahan, pag-uunahan sa teknolohiya, at paglatag ng impluwensiya sa hinaharap ng space exploration.
-oooooo-
Email: [email protected]
- Latest




















