EDITORYAL - May natatanaw na pag-asa

ANG nakalipas na 2025 ay batbat nang mga hindi magandang nangyari sa bansa. Sunud-sunod ang mga malalakas na bagyo na ikinamatay nang maraming Pilipino. Maraming bahay ang nawasak at tinangay ng baha. Malaking halaga ng mga pananim ang napinsala. Aanihin na lamang ang mga palay at mais subalit tinangay ng baha. Pati mga hayop na katulong ng mga magsasaka sa pagbubukid, nalunod at namatay.
Sunud-sunod ang tumamang lindol sa maraming lugar sa bansa. Pinakamalakas ang tumama sa Cebu na ikinamatay nang marami. Maraming nawasak na gusali, simbahan at mga bahay. Mayroong mga nalibing nang buhay. Sa isang iglap, nawasak ang pangarap ng mga Cebuano.
Sunud-sunod ang mga pagputok ng bulkan. Ang mga residente na nakatira malapit sa Taal Volcano ay hindi na napanatag sa madalas nitong pag-aalboroto. Kapag nagbuga ng usok ang Taal, nangangamba na ang mga tao sapagkat senyales iyon na kailangan nilang lumikas. Marami nang napinsala ang Taal Volcano na isa sa mga pinaka-akltibong bulkan, tulad din ng Bulkang Mayon.
Nagkasunud-sunod ang mga sunog sa Metro Manila at maraming namatay. May mga nakulong sa kuwarto at hindi na nakalabas. Karamihan sa mga namatay sa sunog ay mga bata.
Ang 2025 din ay taon na maraming namatay dahil sa mga aksidente sa kalsada. May mga bus na nahulog sa bangin dahil nawalan ng preno; kotse na bumangga sa kasalubong na truck at mga motorsiklo na sumasalpok sa poste ng kuryente at haligi ng flyover.
Ang matinding naranasan ng mga Pilipino ay ang sumabog na multibilyong pisong katiwalian sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na may kaugnayan sa flood control projects. Daming private contactors, pulitiko at mga opisyal ng DPWH ang kasangkot. Pati mismong ang DPWH secretary ay dawit sa anomalya.
Ilang beses nagdaos ng rally ang maraming grupo na kumukondena sa katiwalian. Pinanawagan ang mabilisang pagpapakulong sa mga sangkot na opisyal ng DPWH, pulitiko at mga contractor. Sa kasalukyan, isang contractor pa lamang at walong iba pa ang nasa likod ng rehas. Wala pang “malaking isda” na nahuhuli at napapanagot sa mga ninakaw na pondo. Walang nakaalam kung kailan makukulong ang mga “malalaking isda”.
Sunud-sunod ang mga naranasang trahedya na ang labis na naapektuhan ay ang mga mahihirap. Ganunman, sa kabila ng trahedya, marami pa rin ang naniniwalang ang 2026 ay magiging maganda. May natatanaw silang sinag ng pag-asa.
- Latest

















