‘Kuwitis’ (Last Part)
WALANG tigil sa pag-iyak si Inay dahil sa nangyari sa akin.
“Mabuti at nakaligtas ka anak. Himala ang nangyari sa iyo,’’ sabi ni Inay habang inaayos ang unan na nasa tagiliran ko. Kailangang may unan dahil masakit ang bahagi ng kamay na nasabugan ng kuwitis.
“Sabi ng doktor mabuti at hindi ka nabulag. Malakas daw ang pagkakasabog ng kuwitis sa kamay mo at ang pulbura ay nagtalsikan.”
“Inay kumusta ang bodega natin ng palay at mais?” tanong ko.
Hindi agad nakasagot si Inay. May garalgal nang magsalita.
“Natupok lahat ang nakaimbak na palay, mais at balatong.”
Nayanig ako. Hindi ko namalayan na tumutulo na ang luha ko.
“Huwag ka nang umiyak. Ang mahalaga ay buhay ka. Maibabalik din ang nawalang ani pero ang buhay ay hindi. Basta huwag nang mauulit ang pagpapaputok.”
“Opo Inay—hindi na mauulit. Susunod na ako sa payo ninyo ni Itay.”
Napaiyak si Inay.
Mula noon, iniwasan ko na ang paputok. Nagkaroon ako nang matinding aral. Mabuti at hindi ako namatay.
Ngayon ay retired na ako at kapag sumasapit ang Bagong Taon nagpapaalala ako sa mga kabataan na huwag gumamit ng paputok. Delikado ito. Nakamamatay at sumisira ng ari-arian.
- Latest
















