Pambabatok: Bakit nauuna ang kamay kapag umiinit ang ulo?
SA gitna ng init ng ulo, may mga taong hindi na nagsasalita, diretso batok agad. Sa bahay, sa opisina, minsan kahit sa barkada, ang pambabatok ay madalas ituring na biro o simpleng disiplina. Pero ayon sa psychology, may mas malalim na dahilan kung bakit nauuna ang kamay kapag galit.
Kapag nagagalit ang isang tao, parang nawawalan ng preno ang utak. Ang bahagi ng isip na dapat nag-iisip muna bago kumilos ay pansamantalang “off.” Kaya imbes na salita ang lumabas, pisikal na galaw ang sumasabog, isang batok na hindi napag-isipan.
Hindi lahat ng tao ay marunong humawak ng emosyon. Ayon sa mga eksperto, ang mga taong nambabatok kapag galit ay kadalasang: 1) hindi marunong magpahayag ng nararamdaman; 2) hindi sanay makipag-usap kapag may conflict; 3) mas pinipili ang aksyon kaysa paliwanag. Sa madaling salita, katawan ang nagsasalita para sa galit.
Walang taong isinilang na nambabatok. Madalas, ito’y ugaling natutunan sa tahanan o paligid. Kung lumaki kang ang galit ay sinasagot ng sampal o batok, nagiging normal ito sa isip. Para sa iba, ang pananakit ay parang default response kapag may inis. Ano ang default response? Ito ang automatic reaction o nakasanayang reaction ng taong nabigla emotionally.
May mga pagkakataong ang batok ay hindi lang dahil sa galit kundi dahil sa gusto mong mangibabaw. Isang paraan ito para iparamdam kung sino ang mas malakas, mas matanda, o mas may kontrol. Sa ganitong sitwasyon, ang galit ay nagiging sandata ng pananakot.
Minsan, ang binatukan ay hindi talaga ang pinagmulan ng galit. May mga taong kasing punong-puno na ng stress, sama ng loob, at pagod. Isang maliit na pagkakamali lang, sumasabog na ang matagal nang kinikimkim na emosyon.
Hindi normal at hindi tama ang manakit kahit pa batok lang. Ang taong marunong humawak ng emosyon ay marunong ding humawak ng sarili. Sa huli, ang totoong lakas ay hindi nasusukat sa bigat ng kamay kundi sa kontrol sa galit.
- Latest
















