‘Parol’ (Part 6)
MASAYANG-MASAYA ako habang pinagmamasdan ang parol na nakasabit sa bintana. Kung hindi ako nagkakamali ay mas matanda pa sa akin ang parol na iyon. Nakagisnan ko na kasi ang parol na tuwing papasok ang Disyembre ay isinasabit ni Lolo Fernando.
Maayos ang pagkakagawa ng parol at kapag tapos na ang Pasko at Bagong Taon ay itinatago ni Lolo. Binabalot niya sa plastic at maayos na itinatago sa bodega. Isinasabit niya iyon para hindi mabaluktot.
Nakita ko kung paano iningatan ni Lolo ang parol.
Natatandaan ko, minsan ay naabutan kong itinatago ni Lolo ang parol. Tapos na noon ang Pasko at Bagong Taon. Binabalot niya sa makapal na plastic.
“Matagal pang gagamitin ito, Jimmy,’’ sabi sa akin ni Lolo. “Maayos kasi ang pagkakagawa ko rito—matibay at pulido ang pagkakagawa.”
“Hindi mo na papalitan, Lolo.”
“Hindi.”
“Palagay ko nga Lolo ay tatagal pa ang parol na ‘yan.”
“Oo. Baka patay na kami ni Lola mo buo pa ito. Kapag wala na kami, ikaw ang magsabit nitong parol ha, Jimmy.”
“Opo Lolo. Pero matagal pa kayo bago mamatay—ang lakas-lakas n’yo pang dalawa.”
“Oo nga. Sabi ko kapag wala na kami, ikaw ang magsabit. Huwag mong kalilimutan.”
Tumango ako.
(Itutuloy)
- Latest



















