‘Parol’ (Part 5)
TINUNGO ko ang silong ng bahay nina Lolo Fernando at Lola Felisa. Kabisado ko ang bodega dahil doon ginagawa ni Lolo ang mga parol naming magpipinsan na dadalhin sa school.
“Tutulungan kitang maghanap Jimmy,” sabi ni Kuya Mike.
“Ako na lang Kuya. Kabisado ko ang parol na isinasabit ni Lolo kapag Pasko.”
“Sige Jimmy. Tawagin mo lang ako kapag kailangan mo ng tulong.”
“Opo Kuya. Pahiram na lang ng walis.”
Binigyan ako ng walis.
Tinungo ko ang bodega sa silong.
Maraming sapot ng gagamba pagpasok ko sa bodega. Inalis ko sa pamamagitan ng walis. Halatang matagal nang hindi nalilinis.
Nang maalis ko ang mga sapot, tumambad sa akin ang mismong spot kung saan nakaupo noon si Lolo sa pinutol na puno ng sampalok. Doon niya ginagawa ang mga parol.
Napaluha ako. Naalala ko ang mga sinabi ni Lolo sa aming mga apo niya. Saglit akong nagdasal na sana ay maligaya sina Lolo at Lola sa langit.
Hinanap ko ang parol na laging sinasabit ni Lolo sa bintana.
Nakita ko. Bagumbago pa dahil nakabalot sa plastic.
Isinabit ko sa bintana ng bahay ang parol.
(Itutuloy)
- Latest


















