EDITORYAL - Malaki ang problema sa air pollution

NOONG Linggo, isang grupo ng mga environmentalists ang nag-rally sa Tomas Morato Avenue, Quezon City. Isinisigaw nila ang malubhang air pollution sa Metro Manila at iba pang karatig lungsod. Hindi anila simpleng problema ang air pollution na nakaaapekto sa mamamayan at kalikasan.
Nang umalingasaw ang pinagkaperahang flood control projects, maraming problema ang nakalimutan ng pamahalaan at isa na ang air pollution na kung tawagin ay “silent killer”. Nakatutok ang gobyerno sa korapsiyon na hanggang ngayon, wala pang naikakalaboso. Magpa-Pasko na pero wala pang naitatapon sa kabila ng rehas.
Ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang may kargo para mapanatili ang sariwang hangin na nilalanghap ng mamamayan. Ang DENR ang may kapangyarihan na magbawal sa mga lumalason sa kalawakan.
Nang balasahin ni President Marcos Jr. ang Gabinete noong Agosto, ang DENR ang una niyang pinalitan ng kalihim. Inalis niya si Maria Antonia Loyzaga-Yulo at ipinalit si Raphael Lotilla. Isang dahilan kaya pinalitan si Loyzaga-Yulo ay dahil madalas ang biyahe nito sa ibang bansa.
Subalit nagkaroon man ng balasahan sa DENR, walang nakitang pagbabago sa departamento. Kung ano ang iniwan ng dating kalihim, ganun pa rin hanggang ngayon. Patuloy pa rin ang pagsama ng kalidad ng hangin sa Metro Manila. Sa pag-aaral noong nakaraang Abril, sa Metro Manila ang Maynila ang may pinakamasamang Air Quality Index. Sinundan ito ng Makati, Taguig, at Parañaque.
Nilikha ang Clean Air Act noong 1999 na ang layunin ay maging malinis ang nilalanghap na hangin ng mamamayan. Sa ilalim ng batas, mahigpit na pinagbabawal ang paggamit ng incinerator sa pagsunog ng basura at ang pagbabawal sa paggamit ng mga lumang sasakyan na nagbubuga ng nakalalasong usok. Pero hindi naipatutupad ang Clean Air Act. Naging inutil ang DENR.
Maraming namamatay sa air pollution dahil sa mga sumusunod na sakit: acute respiratory infections, chronic obstructive pulmonary diseases, cancer at cardiovascular diseases.
Ang aksiyon ng DENR ang hinihintay sa problemang air pollution. Dapat pa bang magmartsa ang mga tao para ipanawagan ang nakalalasong hangin?
- Latest















