Agarang resignation puwede ba?
Dear Attorney,
Wala po akong written contract at bagong empleyado pa lang ako. Maaari ba akong mag-resign agad nang hindi nagre-render ng 30 days? — Ren
Dear Ren,
Kahit walang written employment contract, sakop ka pa rin ng Article 300 (dating Art. 285) ng Labor Code na nagsasabing ang isang empleyado ay maaaring tapusin ang kanyang employment sa pamamagitan ng pagbibigay ng written notice sa employer ng hindi bababa sa 30 araw bago ang huling araw ng trabaho. Ito ang tinatawag na 30-day notice rule na kailangang sundin maliban na lamang kung may waiver o may valid cause para sa immediate o agarang resignation.
Sa ilalim ng batas, may karapatan ang employer na ipatupad ang 30-day notice, ngunit maaari rin nila itong i-waive. Mahalaga lamang tandaan na kung aalis ang empleyado ng hindi nagbibigay ng sapat na notice, maaaring maghabol ang employer para sa danyos kung mapapatunayang nagdulot ng aktwal na pinsala sa negosyo ang biglang pag-alis ng empleyado, katulad ng pagkaantala ng operasyon o pagkalugi.
Kahit ang mga probationary employees ay nasasaklaw din ng parehong patakaran. Ang tanging pagkakataon lamang na maaaring umalis kaagad ang empleyado ay kung may just cause for immediate resignation, tulad ng seryosong pang-aabuso at iba pang acts of misconduct ng employer.
Sa madaling sabi, kahit walang written contract, hindi ka basta-basta makakaalis nang walang notice. Ang 30-day rule sa ilalim ng Labor Code ay umiiral bilang proteksiyon sa negosyo at upang magkaroon ng maayos na transition, kaya kung nais mo talagang iwanan ang iyong kasalukuyang employer nang mas maaga, maaari kang humiling sa employer ng maikling rendering o agarang release, ngunit dapat ito ay malinaw na naaprubahan at nakasukat.
Kung walang pahintulot o waiver, mabuting sumunod na lamang sa sinasabi ng batas at sundin ang 30-araw na abiso.
Ito ang pinakamainam na gawin upang maiwasan ang anumang pananagutan at upang mapangalagaan na rin ang iyong reputasyon bilang empleyado lalo na kung nagsisimula ka pa lamang sa pagtratrabaho.
- Latest




















