^

Punto Mo

Kaso ng Pharmally, inaagiw na!

DIPUGA - Non Alquitran - Pang-masa

ANO ang hiwagang bumabalot dito sa mabagal na pag-usad ng kaso ng Pharmally Pharmaceutical Corporation na inakusahang ng pag-corner ng kontrata noong COVID 19 pandemic at overpricing ng mga medical supplies? Magkano….este paano?

Kaya naman lumutang ang mga tanong na ito mga kosa ko dahil nasentensiyahan na si Alice Guo at pitong iba pang akusado dahil sa pagpatakbo ng POGO sa Tarlac, at ‘yaong mga sangkot sa flood control scam ay may linaw na. Subalit itong Pharmally case ay inaagiw na. Susmeryosep!

Itong kaso ni Guo ay halos lagpas isang taon lang samantalang itong flood control scam ay parang kalian lang kaya napuna ng mga kosa ko ang bilis ng pag-usad ng kapwang kaso. Ang Pharmally?

Abayyy bilyones din ang nawala sa kaban ng bayan sa panahon ng Covid 19 at dapat ‘wag mabaon sa limot ang kasong ito. Anong sey n’yo mga kosa?

Ang huling balita, binawi ni Ombudsman Boying Remulla ang naunang isinampang mga kaso bunga sa may kulang dito. At ang kaso, ani Boss Boying, ay i-restructure pa bago isampa uli ito sa Sandiganbayan. Eh di wow! Lagot!

Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?

Ang naiwang masaya rito sa usad-pagong na kaso ng Pharmally ay ang mag-asawang sina Rose Lin Nono at Lin Wei Xiong, alyas Allan Lim. Ang kababayan ko na si Nono Lin ay hindi naman sangkot sa pagpatakbo ng Pharmally kaya lang siya ay opisyal at stockholder ng Pharmally Biological Inc., ang kompanyang may link sa main firm.

Samantalang ang asawang si Allan Lim ay manager ng Pharmally. Sanamagan! So ano na sa ngayon ang mangyayari sa kaso ni Nono Lin habang masasabi kong ang hustisya “is on the roll” dahil sa sentensiya kay Guo at mga kasama at pagkakaso sa mga sangkot sa flood control scam?

Kung sabagay, hindi naman nakasuhan si Nono Lin, di ba mga kosa? Sa pag-review kaya ni Boss Boying sa kaso ng Pharmally, mapasama na si Nono Lin sa kaso? Kay dami namang katanungan nito!

Sa totoo lang, intact naman ang mga ari-arian ni Nono Lin kahit nadiskubre sa Quad Committee hearing na puno ang kanyang garahe ng luxury cars, na ayon pa sa kanya ay lumutang na lang ito doon at hindi niya alam kung saan galing. Hehehe! Ang sakit sa bangs nito!

Teka, teka, may karagdagan pang tanong at ito ay kung ano ang nangyari sa findings ng Quad Committee na nag-imbestiga sa Pharmally kung saan aksidente nilang nahubaran ang pagkasangkot nina Nono Lin at asawa sa naturang COVID-19 scam?

Natuklasan sa hearing na ang asawa ni Nono Lin na si Allan Lim at Lin Wei Xiong ay iisang tao lang. Na si Nono Lin ay presidente ng Xionwei Technology at mga kamag-anak na sina Rey Soquita Nono, Ronnie Nono at Annie Soquita Nono ay mga opisyales nito. Na itong Xionwei ay nagpapatakbo ng Xionwei POGO call centers at gumagamit sila ng iba’t-ibang sub-liscenses.

At higit sa lahat, ang Xiowei ay nagmintina ng sub-liscenses sa Pampanga- ang Shidaikeji Technology na nag-ooperate sa 22 lokasyon sa Clark Freeport Zone at Fontana Leisure Parks.

Ang pinakamalufet, si Nono Lin ay konektado sa suspetsadong drug lord na si Michael Yang, na mahigpit namang pinabulaanan ng una. Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!

Kung may sapat na ebidensiya para kasuhan si Nono Lin dapat isampa na ito ni Boss Boying. Kung wala namang nakalap na matibay na ebidensiya, abayyy tuldukan na ang kaso ng Pharmally para magkaroon ito ng closure. Mismooo! Abangan!

COVID

PANDEMIC

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with