^

Punto Mo

Pinagmulan ng halik

PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

MAY mga sandali sa buhay na ang isang simpleng haplos ng labi ay nagdadala ng init ng damdamin, kapanatagan, at koneksyon. Isa sa pinakamatandang paraan ng pagpapahayag ng emosyon ang halik, likas sa mag-asawa at magkasintahan, tanda ng pagmamahal ng magulang sa anak, at pampakalma sa kaibigan.

Hindi lamang tao ang may ganitong asal; pati ang ilang malalaking unggoy ay may mga kilos na kahawig ng halik bilang paraan ng pagkakaibigan at pakikipag-ayos.

Iba-iba ang anyo ng halik. Maaaring marahan, bigla, masuyo, mapanlinlang, malisyoso, o taos-puso. Ginagawa sa labi, pisngi, noo, balikat, kamay, at iba pang bahagi ng katawan.

May halik na katanggap-tanggap sa isang kultura ngunit bawal o taboo sa iba. Sa kasaysayan, ginamit ang halik bilang simbolo ng paggalang, pagsamba, kapayapaan, pagbati, at pakikipagkaibigan.

Hinahagkan din ang mga litrato, rebulto, at iba pang bagay bilang tanda ng paggunita sa mahal sa buhay o pagsamba sa iniidolo o kaugnay ng pananampatalaya.

Ngunit nananatiling palaisipan kung paano nagsimula ang halik. Ang pinakamatandang naitalang ebidensiya ay mula sa Mesopotamia at sinaunang Egypt, halos 4,500 taon na ang nakakaraan, kung saan nakasulat sa cuneiform tablets ang mga ritual at romantikong halik.

Ngunit ayon sa evolutionary biologist na si Dr. Matilda Brindle mula sa Oxford, nananatiling misteryo kung paano, bakit, at saan unang naganap ang halik. Ito ay tinatawag niyang isang evolutionary conundrum, isang palaisipan sa ebolusyon ng tao na hanggang ngayon ay hindi pa lubusang nasasagot.

Sa mas bagong pag-aaral na inilathala sa journal na Evolution and Human Behavior nitong Nobyembre 2025, pinagsama-samang sinuri ang libu-libong obserbasyon ng social behavior ng malalaking unggoy tulad ng bonobos, chimpanzees, at orangutan. Lumabas na mayroon nang mga kilos na katulad ng halik milyon-milyong taon na ang nakalipas.

Ang mga pre-kissing behaviors na ito ay ginagamit sa pakikipagkaibigan, pagpapahayag ng tiwala, o pag-aayos ng alitan. Ipinapahiwatig nito na ang halik ay maaaring namana o umusbong sa mga sinaunang primate bago pa man lumitaw ang modernong Homo Sapiens at Neanderthal  na sinaunang klase ng mga tao.

Hindi malinaw kung ang unang halik ay nagmula sa romantikong layunin, sosyal na pakikipag-ugnayan, o pangkalusugang mekanismo. Ayon sa ilang evolutionary psychologists, ang halik ay nagtataguyod ng bonding sa pamamagitan ng pagpapalabas ng oxytocin, tinatawag na “hormone of attachment.”

Ito rin ay maaaring paraan ng pagtukoy sa kalusugan at compatibility ng kapareha, dahil nalalasahan at naaamoy natin ang immune markers ng bawat isa, na nakakaapekto sa pagpili ng mate. May teorya rin na ang halik ay paraan ng pagpapakita ng tiwala at pakikipag-ayos, tulad ng nakikita sa bonobos na humahalik pagkatapos mag-away bilang tanda ng reconciliation.

Bagamat malinaw na bahagi ng kultura at ugnayan ng tao ang halik, nananatili itong misteryo ng ebolusyon. Hindi matutunton nang tiyak kung saan, kailan, at bakit ito unang lumitaw. Maaaring sabay-sabay itong umusbong sa iba’t ibang grupo ng tao, minana mula sa mga sinaunang primate, o nabuo bilang paraan ng pagpapahayag ng damdamin.

Anuman ang pinagmulan, ang halik ay halo ng biyolohiya at kultura, at isang asal na naglakbay mula sa mga ninuno hanggang sa atin ngayon. Sa bawat pagdampi salabi, kasabay nito ang libu-libong taon ng kasaysayan, pakikipagkapwa, at ugnayan. *

oooooo

Email: [email protected]

PANDAYAN

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with