^

Punto Mo

Tuloy ang laban ni Bonifacio

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

BUKAS ay gugunitain natin ang kaarawan ni Andres Bonifacio, ang Ama ng Himagsikang Pilipino. Siya ang nagtatag at Supremo ng Katipunan (Kataastaasan, Kagalanggalangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan), isang kalipunan ng mga makabayang Pilipino na naghimagsik laban sa mga mananakop na Kastila.

Ang motto ng Katipunan ay nangungusap hanggang sa ating panahon: katarungan, kalayaan, at kapatiran. Ang mga regular na kaanib ng Katipunan ay tinawag na mga “Anak ng Bayan,” ang mga sandatahang kaanib, “Bayani,” at ang Pilipinas, “Inang-Bayan”.

Hindi aksidente, sapagkat tiyak na itinaon ng mga organizers sa kaarawan ni Bonifacio ang isasagawang kilos protesta na tinaguring, “Trillion Peso March.” Ang kilos-protesta na kasasangkutan ng civil society o ng mga anak ng bayan ay isang malawakang pagkondina sa katiwalian at mariing panawagan na papanagutin ang mga tiwali sa gobyerno, alang-alang sa inang-bayan.

Pagmamahal sa inang-bayan ang nagbunsod kina Bonifacio upang ilunsad ang himagsikan laban sa mga mananakop. Pagmamahal din sa inang-bayan ang dahilan upang magsama-sama ang iba’t ibang sektor para hilingin sa gobyerno ang seryosong pagkilos para papanagutin ang mga tiwali.  Wika ni Bonifacio sa isang linya ng tulang kanyang isinulat, “Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya sa pagkadalisay at pagkadakila gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa. Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala.”

Wala, wala nga tayong pagmamahal sa ating inang-bayan.  Ito ang dahilan kung bakit tayo nasadlak sa isang kalunus-lunos na kalagayan kung saan tayo’y itinuturing ng ating mga kapitbahay sa Asya na isang bansang nakahiga sa banig ng karamdaman. Wala tayong pagmamahal sa inang-bayan na katulad ng pagmamahal ni Bonifacio, kung kaya nabibili ang ating boto.

Wala tayong pagmamahal sa inang-bayan na katulad ng pagmamahal ni Bonifacio, kung kaya’t wala tayong pakialam nakawin man ng mga ganid ang kaban ng bayan. Wala tayong pagmamahal sa inang-bayan na katulad ni Bonifacio, kung kaya’t hindi natin ikinagagalit ang pagsira sa ating likas na kayamanan.

Totoong may malubhang sakit ang ating inang-bayan. Kung hindi tayo kikilos at mananatili tayong walang pakialam, sa malao’t madali, ang malubhang karamdaman ay mauuwi sa kamatayan.

Ang maganda, nabubuo ngayon ang pambansang galit laban sa katiwalian na kinasasangkutan ng matataas na lider ng gobyerno.  Pero hindi pwedeng hanggang sa galit lang. Sina Bonifacio’y nagalit sa paniniil ng mga dayuhan, ngunit mula sa kanilang galit ay isinilang ang pagkakaisa para labanan ang mga mananakop.

Bukod sa pagpapakulong sa mga tiwali, kailangan ang mga hakbang tungo sa ating ganap na paglaya sa katiwalian, kasinungalingan, kahirapan, at kawalan ng hustisya.  Ngunit hindi tayo gagamit ng sandata na katulad ng ginawa nina Bonifacio.

Gagamitin natin ang sandata ng ating pagkakaisa upang ipamadali ni Presidente BBM sa Kongreso ang pagpapatibay ng mga panukalang-batas tungkol sa Anti-Dynasty, People Independent Commission, at Freedom of Information.

Gagamitin natin ang sandata ng ating pagkakaisa upang matuldukan na ang pagnanakaw at pagsasamantala ng mga nasa poder sa kaban ng bayan. Gagamitin natin ang sandata ng ating pagkakaisa upang ipagpatuloy ang laban ni Bonifacio sa tinawag niyang “Landas ng Katwiran” kung saan may katarungan, kalayaan, at kapatiran.

Ang laban ni Bonifacio ay laban natin. Panahon na para punitin ang sedula ng katiwalian at pagsasamantala para sa isang tunay na bago at malayang Pilipinas!    

ANDRES BONIFACIO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with