EDITORYAL — Maguindanao massacre: Dami pang uhaw sa hustisya

NAGANAP ang Maguindanao massacre noong umaga ng Nobyembre 23, 2009. Nagtungo sa Ampatuan, Maguindanao ang convoy na kinabibilangan ng asawa, kaanak, supporters ng kandidatong si Ismael Mangudadatu para mag-file ng kandidatura sa pagka-governor, kasama sa convoy ang 32 mamamahayag.
Subalit bago pa makarating sa sadyang lugar, hinarang sila ng 100 armadong kalalakihan na pinamunuan ni Datu Unsay Andal Ampatuan at pinagbabaril. Nang patay na lahat, inilibing sila sa isang malaki at malalim na hukay. Pati ang mga sasakyan ay isinama sa hukay. Limampu’t walong katao ang kabuuang pinatay.
Makaraan ang ilang oras, natuklasan ang mga inilibing na bangkay. Itinuro ang pamilya Ampatuan na nasa likod ng karumal-dumal na krimen. Sinampahan ng kaso ang mga Ampatuan at 100 iba pa.
Noong Disyembre 20, 2019, ibinaba ang hatol. Habambuhay na pagkabilanggo ang inihatol ni Judge Jocelyn Solis-Reyes ng Quezon City Regional Trial Court kina Datu Andal “Unsay” Ampatuan Jr., Zaldy Ampatuan at Datu Anwar Sr. —mga anak ni Maguindanao governor Andal Ampatuan Sr. na isa rin sa mga akusado subalit namatay sa bilangguan bago pa ibinaba ang hatol. Sa kabuuan, 28 ang hinatulan ng korte sa massacre.
Labing-anim na taon na ang nakaraan mula nang maganap ang massacre. Subalit sa kabila na maraming taon na ang nagdaan, nananatili pa ring uhaw sa hustisya ang mga kaanak ng pinaslang. Hindi pa rin sapat ang nakakamit na hustisya. Ayon sa mga kaanak ng biktima, iniwan na sila ng mga tao na nangako noon na tutulungan sila. May mga pulitikong nangako na hindi sila iiwanan at ipaglalaban para makamit ang sapat na hustisya pero wala na umano ang mga ito. Nawala na rin ang mga abogadong nangako na tutulungan sila.
Bagama’t nahatulan na ang pamilya Ampatuan – marami pa rin ang nakalalaya at naghahatid ng takot sa mga naulila ng biktima. Maaring gantihan sila ng mga ito. Ayon sa report, 80 pa ang nakalalaya at tila normal lang ang buhay ng mga ito na walang nangyari.
Tuwing sasapit ang anibersaryo ng massacre, lalong humahapdi ang sugat sa mga kaanak na nilikha ng walang awang pagpatay. Mahapdi, masakit at makirot. Nananawagan ang mga kaanak na arestuhin ang mga suspect pa sa masaker. Nanawagan sila kay President Marcos Jr. na tulungang makamit ang hustisya.
- Latest















