^

Punto Mo

3I/Atlas: Kometa o alien?

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

Isang nakamamanghang tanawin sa makabagong agham ang kakayahan ng mga telescope, computer, at iba pang instrumento, sa loob man o labas ng daigdig, na masilip at masuri nang detalyado ang mga bagay sa kalawakan.

Dahil dito, natutuklasan natin ang katangian ng mga asteroid, buwan, Mars, at iba pang planeta, pati na rin ang iba pang bagay na maaaring maging banta sa ating planeta. Nakakatulong din ang mga robotic spacecraft na naipadala sa malalayong bahagi ng kalawakan, lalo na sa Mars, sa pagkuha ng datos at litrato na hindi makakamtan mula sa Earth lamang.

Ilang linggo nang laman ng balita sa siyensiya ang pagpasok ng isang kakaibang bisita sa ating solar system. Mula nang matuklasan ito noong Hulyo sa ATLAS observatory, kumalat agad ang kuwento na baka ito raw ay isang alien spacecraft dahil sa bilis at kakaibang katangian.

Ngunit sa gitna ng maiingay na haka-haka, mariing iginiit ng National Aeronautics and Space Admi­nistration na ang 3I/Atlas ay isang kometa—interstellar, misteryoso, ngunit natural ang pinagmulan. Kapag sinabing interstellar, tinutukoy dito ang mga bagay na nagmula sa labas ng ating solar system, naglakbay sa pagitan ng mga bituin, at hindi isinilang o umiikot sa ilalim ng impluwensiya ng Araw.

Hindi ito ordinaryong kometa. Ayon sa Hubble Space Telescope, tinatayang nasa pagitan ng 1,400 talampakan hanggang 3.5 milya ang sukat ng nukleyus nito. Kapag lumilitaw ang coma o ulap sa paligid, nagiging malabo ito at tila umuusok na mundo. Batay sa datos ng James Webb Space Telescope, ang coma ng 3I/Atlas ay halos binubuo ng carbon dioxide, mas marami kaysa sa tubig-yelo.

Sa paglapit nito noong Oktubre 30, umabot ang kometa sa 130 milyong milya mula sa Araw. Sa Disyembre 19 naman, pinakamalapit ang distansiya nito sa Earth na humigit-kumulang 170 milyong milya—malayo sa anumang panganib. Dahil ang orbit nito ay hyperbolic, dadaan lamang ito at hindi na babalik. Sobrang bilis ang taglay nito—lampas 150,000 milya bawat oras—kaya hindi kayang hilahin ng grabidad ng Araw.

Sa ganitong kakaibang katangian, hindi maiwasan ang mga hinalang baka artipisyal ang pinagmulan. May nagsabing masyadong buo at matatag ang istruktura ng kometa para sa isang bagay na naglakbay nang napakatagal. Ngunit ayon sa NASA, kung spacecraft ito, dapat ay may palatandaang hindi likas: tiyak na pattern ng signal, galaw na hindi tugma sa pisika, o materyales na hindi natural. Wala sa mga ito ang nakita. Ang mga emission ng 3I/Atlas ay tugma sa outgassing na normal sa mga kometa, at ang liwanag nito ay eksaktong inaasahan sa isang bagay na nababalot ng yelo, alikabok, at volatile compounds.

Hindi ito ang unang interstellar object na nagdulot ng intriga. Noong 2017, ang ?Oumuamua ay napagkamalan ding alien spacecraft dahil sa kakaibang hugis at kawalan ng coma. Noong 2019, ang 2I/Borisov naman ay mas kahawig ng karaniwang kometa sa solar system kaysa sa alinman sa dalawa.

Dahil dito, unti-unti nang tinatanggap sa agham na iba-iba ang karakter ng mga interstellar object—may mga magmumukhang piraso ng metal, may tila sirang asteroid, may klasikong kometa, at may tulad ng 3I/Atlas na may komposisyong hindi pangkaraniwan.

Sa lahat ng ito, ang pinakamahalaga ay ang pagkakataon na masilip ang materyal mula sa ibang sistema ng bituin at maunawaan kung paano nabuo ang mga planeta at kometa sa malalayong bahagi ng kalawakan. Sa huli, malinaw para sa agham na ang 3I/Atlas ay isang interstellar na kometa, natural ang pinagmulan, at walang banta sa Earth.

Ngunit para sa imahinasyon ng tao, mananatili itong misteryo. Tulad ng misteryo pa rin kung meron ring nabubuhay na nilikha sa ibang bahagi ng universe o nagsosolo lang nabubuhay ang tao sa lahat ng ito?

-oooooo-

Email: [email protected]

COMPUTER

TELESCOPE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with