‘Kabayo’ (Last Part)
“Anong nangyari sa iyo Junjun? Kanina ka pa namin hinahanap ng lola mo! Alalang-alala na kami dahil ang tagal mong dumating. Saan ka ba galing?” tanongt ni Lolo na alalang-alala. Hindi siya galit.
“Oo nga Junjun, kanina ka pa namin hinihintay. Maghapon kang nawala! Akala namin, kung ano na ang nangyari sa iyo.”
“Namasyal po ako Lolo. Sinakyan ko si Blackie. Nagtungo kami sa lansonesan. Pero nang pauwi na kami ni Blackie, dumaan kami sa maraming puno ng balete. Nang nasa gitna na kami ng daan, tumigil si Blackie at ayaw nang lumakad. Bumaba ako at tinangka siyang hilahin pero ayaw kumilos. Hanggang sa bigla akong inatok at nakatulog sa paanan ni Blackie. Nagising ako na wala na si Blackie. Nasa isip ko, nauna siyang umuwi kaya naglakad ako.”
Gulat na gulat si Lolo at Lola.
“Pinaglaruan ka ng tikbalang, Junjun,’’ sabi ni Lolo.
“Bakit po?”
“Hindi si Blackie ang sinakyan mo kundi Tikbalang.”
Litung-lito ako sa sinabi ni Lolo. Nagpatuloy siya sa pagsasalita.
“Dinala ko si Blackie sa bayan kaninang umaga dahil pinabakunahan ko. Kinopya ng tikbalang si Blackie at yun ang sinakyan mo. Mabuti at walang ginawa sa iyo ang tikbalang.”
Hindi ako makapagsalita. Tikbalang pala ang sinakyan ko. Kaya pala walang puting marka sa noo ang sinakyan ko dahil tikbalang pala.
Mula noon hindi na ako namasyal sa lupain ni Lolo. Sinasakyan ko pa rin si Blackie pero sa malapit lang kami namamasyal. Natakot ako sa tikbalang.
- Latest















