Saan dudulog ang employer?
Dear Attorney,
May empleyado po ako na biglang nag-resign kahit may malinaw na provision sa kontrata na may employment bond na kailangang bayaran kung hindi siya mananatili nang hindi bababa sa dalawang taon. Gusto ko sanang magsampa ng kaso base sa employment bond. Dapat ba akong dumulog sa NLRC o sa regular courts? — Kate
Dear Kate,
Ayon sa Korte Suprema sa kasong Comscentre Phils. Inc. v. Rocio (G.R. No. 222212, January 22, 2020), ang tamang forum para sa employer na naghahabol laban sa empleyadong maagang nag-resign kahit may employment bond ay ang labor tribunals, hindi ang regular civil courts, basta’t ang claim ay may malinaw na kaugnayan sa employer-employee relationship.
Katulad ng sa iyong sitwasyon, ang empleyado sa nasabing kaso ay nag-resign bago matapos ang minimum employment period na nakasaad sa kontrata. Nang siningil ng employer ang employment bond, iginiit ng empleyado na hindi dapat na nasa NLRC ang kaso at sa halip ay isinampa raw ito dapat sa regular courts katulad ng RTC dahil ito raw ay simpleng breach o paglabag sa kontrata.
Hindi tinanggap ng Korte Suprema ang argumentong ito. Ipinaliwanag sa kaso na sa ilalim ng Article 224 ng Labor Code, ang NLRC at ang labor arbiters ay may orihinal at eksklusibong hurisdiksiyon sa mga claims na nag-uugat sa employer-employee relationship.
Binanggit din sa kaso na saklaw ng hurisdiksiyon ng labor tribunals ang lahat ng uri ng danyos hangga’t ang pinag-uugatan ay ang employment relationship ng employer at empleyado.
Dagdag pa ng Korte Suprema, ang prinsipyong ito ay applicable kahit pa ang naghahabol ay ang employer. Nilinaw ng Korte na maaari rin maghabol ang mga employers sa labor tribunals basta’t ang habol nito ay may rasonableng koneksyon sa employer-employee relationship.
Sa kaso ni Rocio, ang pananagutan para sa employment bond ay nagmula sa kanyang maagang pag-resign, isang pangyayari na malinaw na nakaugnay sa koneksyon niya at ng kompanya bilang employer at employee. Ang paghahabol ng bond ay “inseparably intertwined” o hindi maiihiwalay sa premature resignation ng empleyado na siyang nagbigay ng sanhi para maghabol ang employer. Dahil dito, malinaw na ang tamang forum para sa kaso ay ang labor tribunals ayon sa Korte Suprema.
Sa madaling sabi, kung ang empleyadong binabanggit mo ay nag-resign bago matapos ang minimum employment period at nilabag nito ang kanuang employment bond, maaari kang dumulog sa NLRC, dahil ang naturang claim ay tuwirang nagmumula sa employer-employee relationship.
- Latest















