Flocerfida (213)
’YUNG sosobra Tito sa vault e ibenta na natin. Tutal naman at kakailanganin ko rin lagi ang cash dahil sa pag-aaral ko,’’ sabi ni Dang.
“Sige, ikaw ang bahala.”
“Saan po ba natin dapat ibenta ang alahas?”
“Puwede sa alahasan at puwede ring ialok sa mga mahilig sa alahas.”
“Ikaw na po ang magbenta, Tito. Ikaw na ang bahala.”
“Sige may kakilala ako sa opisina na bumibili ng alahas. Pero kailangang malaman natin kung magkano ang presyo ng gold. Hindi bumababa ang presyo ng gold.”
“Bahala ka po Tito.”
Hindi pa sila tapos sa pag-uusap nang tumawag si Malou, superbisor ni Kikoy.
Nagkatinginan muna sina Dang at Kikoy. Lumayo nang bahagya si Kikoy kay Dang.
Sinagot ni Dang.
“Hello?”
“Hello Dang. Good afternoon, kukumustahin ko lang si Kikoy, Ano na lagay niya?”
“Medyo okey na po siya Mam.”
“Ginawa mo ba ang payo ko? Pinahigop mo ba siya ng sabaw ng manok? Pinainom mo ba ng gamot?”
“Opo Mam.”
“Masama pa rin ba ang pakiramdam?”
“Medyo maayos na po.”
“Good.”
“Gusto na nga pong pumasok, Mam.”
“Aba kapag hindi pa kaya, huwag pilitin.”
“Sasabihin ko po Mam.”
“Balak kong dalawin siya, Dang—para malaman ko ang kalagayan niya.”
Nagkatinginan sina Dang at Kikoy. (Itutuloy)
- Latest















