^

Punto Mo

Marunong sa maraming wika, mabagal tumanda

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN Ni Ramon M. Bernardo - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

Nakakapagpabagal din pala sa pagtanda ng katawan at isipan ng tao ang karunungan sa maraming wika. Halimbawa, bukod sa Filipino at Ingles, nakakapagsalita at nakakaunawa rin sa Pranses, Mandarin, Spanish, German, Russian at iba pa. Hindi lang isa o dalawa kundi mas marami pang lengguwahe. Hindi ito iyong edad na ibinabatay sa kalendaryo, kundi ang edad ng ating mga selula at utak ang tinatawag ng mga siyentista na biological age. Sa madaling sabi, habang pareho tayong may edad na halimbawa’y 60, maaaring mas “bata” pa ang katawan ng isa dahil mas mabagal ang kanyang biological aging.

Ito ang natuklasan sa isang malawak na pag-aaral na inilathala kamakailan sa Nature Aging. Sinuri ng mga mananaliksik ang datos mula sa higit 80,000 katao na may edad 51 hanggang 90-anyos sa 27 bansa sa Europa. Lumabas sa pag-aaral na ang mga taong marunong lamang ng isang wika ay mas malamang na makaranas ng tinatawag na accelerated aging ang kundisyong mas matanda ang pisikal na katawan kaysa sa tunay na edad. Samantalang ang mga marunong ng dalawa o higit pang wika ay halos kalahati ang posibilidad na mangyari ito sa kanila.

“Bawat dagdag na lengguwahe ay nagbibigay ng nasusukat na proteksyon,” sabi ni Agustin Ibanez, isa sa mga awtor ng pag-aaral at neuroscientist sa Trinity College Dublin. “Malakas itong palatandaan na ang araw-araw na aktibidad ng isip, tulad ng paggamit ng maraming wika, ay may impluwensya sa bilis ng pagtanda ng katawan.”

Sa paliwanag ng mga mananaliksik, ang paggamit ng iba’t ibang wika ay parang ehersisyo ng utak. Kapag marunong kang magpalit-palit ng lengguwahe halimbawa, mula sa Tagalog tungo sa Ingles o mula sa Bisaya patungong Arabic o French o Spanish, pinipilit ng utak na magtuon, umiwas sa kalituhan, at mabilis na magpalit ng tuntuning pangwika. Ang paulit-ulit na prosesong ito ay nagpapatatag sa mga neural networks o koneksyon ng mga selula sa utak, na karaniwang humihina habang tumatanda. Dahil dito, mas matalas ang pag-iisip at mas mabagal bumaba ang kakayahang mag-isip at umunawa.

Ang taong marunong makipag-usap sa iba’t ibang wika ay mas madalas makisalamuha, makipagkaibigan, at makibagay sa iba’t ibang kultura. Ang ganitong pakikitungo sa kapwa ay nagpapababa ng antas ng stress at nakatutulong sa kalusugan ng puso, metabolismo, at immune system. Sa madaling sabi, nagiging mas maligaya, mas matatag, at mas malusog ang taong maalam sa maraming wika.

Ngunit tulad ng ibang pananaliksik, may hangganan din ito. Ang pag-aaral ay isinagawa lamang sa mga bansa sa Europa, kaya hindi pa tiyak kung pareho rin ang epekto sa ibang panig ng mundo. Halimbawa, paano sa Pilipinas kung saan natural nang multilingguwal ang mga mamamayan? Marami sa atin ang sabay-sabay na gumagamit ng Filipino, sariling wikang rehiyonal, at Ingles sa araw-araw. May ilan pang nadadagdagan ng Arabic, Hapon, Koreano, o Pranses dahil sa pagtatrabaho o paninirahan sa ibang bansa.

Gayunman, bukod sa tila isang ehersisyo sa kaisipan ang karunungan sa maraming wika na tila nakakapagpabata, nagbibigay din ito ng mga oportunidad tulad sa karera, propesyon, trabaho, edukasyon o negosyo na nagiging hagdan sa pag-asenso sa buhay. Nababawasan ang stress kung dayuhan ang kausap mo o may kailangan kang kausapin sa ibang wika.

-oooooo-

Email: [email protected]

GERMAN

MANDARIN

SPANISH

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with