Kabayo (Part 3)
PAGKAGISING ko sa umaga, si Blackie agad ang hinahanap ko. Nasa likod lamang ng bahay ang kuwadra ni Blackie at iba pang kabayo ni Lolo.
Kapag nakita ako ni Blackie ay humahalinghing ito na para bang tuwang-tuwa at magkakasama na naman kami.
Paglapit ko kay Blackie ay hihimasin ko ang kanyang noo at pakiramdam ko, sarap na sarap siya sa paghagod ko. Nakatingin siya sa akin na para bang nagpapasalamat sa ginagawa kong paghagod sa kanya.
Pagkatapos ay ilalabas ko na siya sa kuwadra. Akay-akay ko muna siya habang pinapasyal sa paligid ng bahay.
Sabi ni Lolo, ganun ang gagawin ko at hindi basta sasakyan agad ang kabayo. Sabi pa ni Lolo, para rin daw makina ang mga kabayo na kailangang i-warm up.
Pagkatapos kong mailibot ng limang beses sa paligid ng bahay si Blackie, sasakay na ako at mamamasyal kami. Hinay-hinay lang ang lakad ni Blackie na parang namamasyal sa liwanag ng buwan.
Maraming puno ng kawayan ang daraanan namin. Sabi ni Lolo, mahusay na tanim ang kawayan sapagkat pinuproektahan ang lupa sa erosion.
Pagkatapos naming makalampas sa napakaraming puno ng kawayan, ang makapal na sagingan naman ang aming dinaanan. (Itutuloy)
- Latest




















