EDITORYAL - Paghahanda sa bagyo nararapat paigtingin

HINDI makaiiwas ang Pilipinas sa pagtama ng mga bagyo, taun-taon. Sa ayaw at sa hindi, dadalaw ang mga bagyo. Sa ganitong sitwasyon, dapat may mga nakahanda nang plano ang pamahalaan sa pagtama nito. Hindi kung kailan paparating na ang bagyo saka lamang maghahanda. At sa dakong huli, marami ang nagbubuwis ng buhay at napipinsala.
Mahigit 20 bagyo ang tumatama sa bansa taun-taon at karamihan ay mapaminsala at maraming namamatay. Bukod sa bagyo, baha at heat waves din ang kadalasang nananalasa sa Pilipinas.
Noong nakaraang taon, ikapito ang Pilipinas sa mga grabeng hinagupit ng bagyo, batay sa Germanwatch Climate Risk Index. Ayon sa report, sa pagitan ng 1995 at 2024, nakaranas ang Pilipinas ng 371 na bagyo kung saan 27,500 katao ang namatay at mahigit $35 bilyon ang nawala o nasayang. Ang pag-aaral ay pinresenta sa ginanap na 30th United Nations Climate Change Conference sa Belem, Brazil. Bukod sa Pilipinas, pinakaapektado rin ng bagyo ang Haiti at India.
Tinalakay sa conference kung paano matutulungan ang mga bansang laging apektado ng mga bagyo at ganundin sa pagharap sa climate change.
Nang tumama ang Bagyong Tino sa Cebu at iba pang probinsiya sa Visayas noong nakaraang linggo, hindi ito napaghandaan. Umabot sa mahigit 200 katao ang namatay dahil sa flashfloods. Umakyat sa bubong ng kanilang bahay ang mga tao para makaligtas.
May mga umakyat sa punongkahoy at niyog.
Dahil sa dami ng mga namatay sa Cebu, humingi ng “sorry” si President Ferdinand Marcos Jr. Nalulungkot daw siya sa nangyari. Aminado siya na hindi napaghandaan ang baha. Ayon sa Presidente, ang pinaghandaan ng LGU officials ay storm surge at hindi ang flash flood. Galing sa bundok ang baha at hindi ito napaghandaan.
Walang makapipigil sa paghagupit ng mga bagyo sa bansa pero may magagawa ang pamahalaan para maiwasan ito at nang walang mapinsala o mamatay. Epektibong pagpaplano at paghahanda ang nararapat. Dapat mapaghusay ang paghahanda dahil taun-taon, dumadalaw ang mga bagyo.
- Latest















