Bansang laging binabaha ng kasinungalingan
TUWING bumubuhos ang ulan, bumubuhos din ang galit ng bayan. Pero bago pa man dumating ang baha, matagal nang lunod ang Pilipinas, lunod sa kasinungalingan, sa kurakutan, sa sabwatan ng mga taong dapat sana’y nagliligtas, hindi nang-iiwan.
Tingnan mo, kapag bumaha, may mga bangkay na lulutang, may mga pamilyang nawalan, may mga tahanang tinangay ng putik. Pero ang mga salarin? Tuyo. Malamig ang aircon, malambot ang sofa, at habang nakasaksak sa kuryente ang cell phone nila, nakangiti silang nagpapasalamat sa “public service” kuno. Public service? Kamote, public scam ‘yan.
Taun-taon, pare-pareho walang pagbabago ulan, baha, trapik, tulong, tapos limot. Pero ‘yung mga kontrata, tuluy-tuloy. ‘Yung mga budget, nilulunod sa overpricing. ‘Yung mga proyekto, ginagawang palamuti sa mukha ng mga trapo. Walang drainage na maayos, pero may bagong SUV. Walang dike, pero may bagong beach resort sa pangalan ng kamag-anak. Walang sirenong tumutulong, pero may mga pulitikong nagmamagaling sa Facebook habang may patay pa sa kalye.
At ‘yung mga ahensiyang dapat magbantay bantay-sarado sa bulsa, hindi sa bayan.
May pirma rito, may lagda roon, lahat may kabig. Kaya kahit lumubog ang lungsod, nakaangat pa rin ang mga korap sa dambana ng kanilang mga kasabwat.
Hindi lang tubig ang sumisira sa bansa kundi ‘yung sistemang binubuo ng mga buwaya, daga, at duwag. Mga opisyal na nagkakandarapa sa litrato habang ang mamamayan, literal na nilalapa ng baha.
At kapag may namatay, kasalanan daw ng ulan. Hindi. Kasalanan ng mga hayop na nagpabaya. Kaya sa susunod na ulan, sana hindi lang baha ang bumuhos. Sana bumuhos na rin ang galit ng sambayanan. ‘Yung galit na hindi na kayang pigilan ng relief goods. ‘Yung galit na magpapaalala sa mga ganid na may katapusan din ang lahat ng kasinungalingan. Hindi ito pananakot. Ito ay paalala. Ang bayan, kapag sawang-sawa na, delubyo ang balik!
DISKLASYMER: Ang opinyong ito ay isang mapanuring komentaryo na naglalayong gisingin ang konsensiya ng sambayanang Pilipino. Hindi ito paratang laban sa partikular na tao o institusyon, kundi panawagan para sa pananagutan at pagbabago sa harap ng sistematikong kapabayaan at katiwalian. Ang mga salitang ginamit ay simboliko, matindi, at sadyang masakit sapagkat ang katotohanan, kapag matagal nang tinatago, dapat sinisigaw.
- Latest















