‘Pinas sasama na sa biyaheng Buwan
SUMAMA na ang Pilipinas sa planong pagbalik ng tao sa Buwan — at pati na rin sa malayong paglalakbay tungo sa planetang Mars.
Nilagdaan ng Pilipinas, sa pamamagitan ni Philippine Space Agency (PhilSA) Officer-in-Charge Dr. Gay Jane Perez, ang Artemis Accords noong Oktubre 27, 2025, kasabay ng ASEAN Leaders’ Summit sa Kuala Lumpur, Malaysia. Kasabay din ng Pilipinas ang Malaysia sa paglagda, dahilan upang umabot na sa mahigit 60 bansa ang lumalahok sa pandaigdigang kasunduang ito.
Ang Artemis Accords ay inisyatiba ng United States National Aeronautics and Space Administration (NASA) na naglalaman ng mga prinsipyo para sa mapayapa, malinaw, at responsableng paggalugad at paggamit ng kalawakan — kabilang ang Buwan, Mars, at iba pang bahagi ng uniberso.
Ayon kay Dr. Perez, “Sa paglagda ng kasunduang ito, pinagtitibay ng Pilipinas ang pangako nitong maging aktibong kalahok sa pamamahala ng kalawakan at sa paghubog at pagpapanatili ng pandaigdigang batas. Mahalaga na palakasin ang mga prinsipyong ito lalo na sa harap ng mga bagong teknolohiya at mga aktibidad ng pribadong sektor na sumusubok sa hangganan ng kasalukuyang legal na balangkas. Ipinapakita nito ang ating kahandaang makiisa sa mga bansang may kaparehong adhikain upang isulong ang transparency, sustainability, at ang patas na pakinabang ng lahat sa labas ng ating mga hangganan at higit pa sa ating atmospera.”
Ang Artemis Accords ay kaakibat ng Artemis Program ng NASA — isang ambisyosong proyekto na layuning maibalik ang tao sa Buwan pagsapit ng 2027, magtatag ng permanenteng lunar base, at sa bandang huli ay ihanda ang mga teknolohiya para sa unang misyon ng tao patungong Mars.
Bahagi ng programang ito ang serye ng mga misyon gaya ng Artemis I, isang uncrewed test flight na matagumpay na nakalibot sa Buwan noong 2022; Artemis II, na inaasahang magiging unang crewed mission pabalik sa lunar orbit mula pa noong 1972; at Artemis III, na maghahatid sa susunod na henerasyon ng mga astronaut — kabilang ang unang babae at unang taong may kulay — na muling tutuntong sa ibabaw ng Buwan.
Tiyak na aabangan ang magiging papel ng Pilipinas sa kasunduang ito. Hindi naman nangangahulugang magkakaroon agad ng mga astronaut na Pilipino at sariling rocker ng bansa na maipapadala sa Buwan o Mars, ngunit hindi na rin imposible.
Ilang Pilipino na ang kasalukuyang nagtatrabaho sa mga space agency sa ibang bansa, kabilang ang NASA at European Space Agency, bilang engineer, researcher, at data analyst. Ang ilan sa kanila ay nakikibahagi na sa mga proyekto sa Buwan, Mars, at iba pang bahagi ng kalawakan.
Bagaman bata pa ang Philippine Space Agency, na itinatag lamang noong 2019, nakapagpalipad na ito ng mga micro at cube satellites gaya ng Diwata-1, Diwata-2, at Maya series na ginagamit sa pagsubaybay ng kalamidad, agrikultura, at karagatan. May mga Pilipinong siyentista rin sa loob ng PhilSA na dating bahagi ng mga research team ng University of Tokyo at Hokkaido University — mga unibersidad na katuwang ng Pilipinas sa pagbuo ng unang mga satellite nito.
Sa ilalim ng Artemis Accords, may pagkakataon ang mga bansang kasapi, tulad ng Pilipinas, na makibahagi sa pagpapalitan ng datos at teknolohiya na may kinalaman sa kalawakan.
Kung ano ang magiging epekto nito sa pamumuhay ng ordinaryong Pilipino, ‘yan ang isa ring kaabang-abang.
-oooooo-
Email: [email protected]
- Latest















