Huwag magsinungaling
BUKOD sa paglabag sa ikapitong utos na, “huwag kang magnanakaw,” isa pang utos na grabeng nilalabag ng mga kasangkot sa maanomalyang flood control projects ay ang ika-8 na utos, “huwag kang magiging sinungaling na saksi sa iyong kapwa.” Laging magkasunod ang dalawang kasalanang ito, hindi mapaghihiwalay na parang kambal-tuko. Ang magnanakaw ay siguradong sinungaling.
Kapag nagnakaw ang isang tao, gagawa siya ng lubid-lubid at tahi-tahing kasinungalingan para mapagtakpan ang kanyang kasalanan. Kailangang kabisado niya ang mga inimbento niyang kasinungalingan para hindi siya mabisto. Kailangan ding humanap siya ng ibang tao na “magpapatotoo” sa kanyang kasinungalingan.
Hindi madaling magsinungaling, mangangailangan ito ng talino. Marami sa ating lipunan ay eksperto na sa pagsisinungaling. Marami sa ating mga mambabatas ay hindi magaling sa paggawa ng batas, pero magaling sa pagsisinungaling, kaya ang sinasabi nilang kasinungalingan ay tinatanggap ng marami na siyang katotohanan.
Sabi ng Russian politician na si Vladimir Lenin, “Ang kasinungalingang paulit-ulit na sinasabi’y nagiging katotohanan.” Dito kumukuha ng kapangyarihan ang kasinungalingan—kailangang paulit-ulit na sabihin para magmukhang totoo. Ito ang pormula ng mga bayarang trolls, sabay-sabay silang maglalabas ng kasinungalingan sa social media para wasakin ang isang personalidad. Ang malungkot, marami ang nabubudol, marami ang naniniwala.
Maaaring naloloko ng mga sinungaling ang maraming tao, pero hindi nila maloloko ang Diyos. Dito sa lupa, maaaring ang mga sinungaling ay kabilang pa sa listahan ng mga taong kung tawagin ay kagalang-galang, pero sa langit, siguradong wala ang kanilang pangalan sa listahan ng aklat ng buhay.
Ganito ang nakasaad sa Apokalipsis 21:27: “At hindi makakapasok doon ang anumang bagay na marumi, o ang sinumang gumagawa ng karumal-dumal o ng kasnungalingan, kundi sila lamang na nakasulat sa aklat ng buhay ng Kordero.” Ang Kordero, si Hesus, ay nagsabi, “Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.”
Sa ating panahon, ang ikasiyam na utos ay nagbabawal sa panunuhol, pamemeke ng pirma, paninirang-puri, libelo, fake news, deep fakes, ghost projects, pagsaksi sa kasinungalingan, at marami pang iba. Ang mandato ng ika-9 na utos ay ang pagsasabi ng katotohanan, buong katotohanan, at pawang katotohanan lamang. Kahit singaw lang ng kasinungalingan ay hindi katanggap-tanggap.
Nakalulungkot na hindi lamang singaw, kundi alingasaw na ng kasinungalingan ang nangingibabaw sa maraming opisina ng gobyerno na tulad ng DPWH, COA , Senate at House of Representatives. Kasama na rin ang pribadong negosyo na tulad ng mga construction firms. Nagugulat ako sa kapal ng mukha ng mga sinungaling sa ating lipunan.
Pero sa isang banda, kawawa ang mga sinungaling, sapagkat walang kapanatagan ang kanilang puso. Hindi ako magtataka kung marami ang magkakasakit sa puso sa mga ahensiyang sadsad sa katiwalian. Ayon sa medisina, kapag nagsinungaling ang isang tao, nare-release ang cortisol at adrenaline na nagpapakipot sa malaking ugat na dinadaanan ng dugo mula sa puso patungo sa iba’t ibang bahagi ng katawan, na nagbubunga ng pwersahan at mabilis na pagbomba ng dugo. Ito ang nagpapataas sa panganib ng cardio-vascular diseases.
Kaya para pumatag at humaba ang buhay, huwag magsinungaling. Maging tapat sa lahat ng pagkakataon. Ganito ang babala ni Hesus sa Marcos 8:36, “Sapagkat ano ang mapapakinabang ng tao na makamtan ang buong sanlibutan, at mapapahamak ang kanyang buhay?”
- Latest
















