Hindi kumpletong impormasyon sa application, dahilan ba para matanggal?
Dear Attorney,
Noong nag-apply po ako sa trabaho, hindi ko nabanggit ang dati kong kompanya dahil natakot akong maapektuhan ang aking application. Ngayon po ay nalaman ng HR at sinasabing may violation raw ako sa company policy on honesty. Maaari ba nila akong tanggalin dahil sa hindi ko pag-disclose ng aking past employment history? —Jen
Dear Jen,
Ayon sa Korte Suprema sa Celis v. Bank of Makati (G.R. No. 250776, June 15, 2022), ang hindi pagsasabi o pag-omit ng nakaraang trabaho ay hindi itinuturing na just cause para tanggalin ang isang empleyado.
Sa nasabing kaso, tinanggal ng banko ang empleyado nito matapos madiskubre na dati na itong nagtrabaho sa isang rural bank at umano’y nasangkot sa kaso ng paglustay ng pondo, na hindi niya nabanggit sa kanyang application. Pinanindigan ng banko na nilabag niya ang kanilang Code of Conduct.
Pinaboran ang empleyado nang umabot ang kaso sa Korte Suprema. Ayon sa Korte, wala namang sinabing maling impormasyon ang empleyado at ang kanyang ginawa ay simpleng “omission” lamang.
Ang ganitong kakulangan ay hindi sapat na dahilan para tanggalin siya sa trabaho, lalo pa’t walang patunay na siya ay may masamang hangarin o nananadya na manlinlang. Idiniin ng Korte na ang parusa ay dapat tumutugma sa bigat ng paglabag, at ang agarang pagtanggal sa trabaho dahil lamang sa hindi pagbunyag ng empleyado ng impormasyon ukol sa kanyang dating employer ay masasabing labis na kaparusahan.
Dagdag pa ng Korte Suprema na halos limang taon nang nagtatrabaho si Celis sa banko bago biglang binuksan muli ng kompanya ang isyung ito, dahilan para sabihing tila gawa-gawang dahilan lamang ang pagpapaalis sa empleyado.
Malinaw mula sa kaso na hindi maaaring ipagpalagay ng employer na ang bawat pagkukulang o kakulangan ng impormasyon sa application form ay katumbas ng dishonesty o fraud. Kailangang may malinaw na pruweba ng masamang hangarin o tahasang panlilinlang bago masabing valid ang dismissal.
Sa huli, pinrotektahan ng Korte Suprema ang karapatan ng manggagawa laban sa hindi makatwiran o walang basehan na pagtatanggal at pinaalalahanan ang mga employer na maging maingat sa pagpapataw ng labis na parusa lalo na kung ito ay termination o pagkakatanggal sa trabaho.
- Latest















