EDITORYAL - Mag-face mask para ligtas

MALAYANG makapagsusuot ng face mask ang bawat isa. Ang may gustong mag-face mask, gawin ang gusto niya at walang pilitan. Ang pagsusuot ng face mask ay lumutang dahil sa pagtaas ng kaso ng influenza sa maraming bahagi ng bansa. Pero agad namang sinabi ng Department of Health (DOH) na wala pang dahilan para gawing mandatory ang pagsusuot ng face mask dahil sa pagdami ng nagkakasakit. Hindi pa anila ito itinuturing na problema.
Ayon sa report, tumaas ang bilang ng mga ina-admit sa ospital dahil sa trangkaso. Tumaas ang bilang ng mga nagkatrangkaso nang magpalit ng klima. Lumalamig na ang panahon dahil sa amihan. Mula nang pumasok ang “ber” months, dumami ang nagkatrangkaso. Marami rin ang nagkasipon at ubo.
Marami na ang nasanay na naka-face mask kahit pa tatlong taon na ang nakalilipas mula nang magka-pandemya. Ang iba, hindi lumalabas ng bahay hangga’t walang face mask. Naging bahagi na ito ng kanilang pang-araw-araw na buhay at malaki ang naitutulong para hindi makasagap ng sakit.
Ayon kay DOH Assistant Secretary at Spokesperson Dr. Albert Domingo, kapag nagkaroon ng severe hospitalization at pagdagsa ng mga pasyenteng naa-admit sa intensive care unit (ICU) ng mga ospital dahil sa sakit, ang ikokonsiderang dapat ipag-utos na ang malawakang pagsusuot ng face mask. Sa ngayon daw, wala pa namang nakikitang mga ganitong factor kaya hindi pa nangangailangan na magsuot ng face masks.
Mas mabuti kung magkukusa na ang lahat na mag-face mask para hindi tamaan ng sakit. Napatunayan sa mga pag-aaral na ang pagsusuot ng face mask ay epektibo para makaiwas sa sakit. Nahaharang ng face mask ang virus na galing sa mga taong inuubo o bumabahin. Mabisang protekta ang face mask para hindi malanghap ang virus. Mas ligtas kung naka-face mask ang bawat isa.
- Latest




















