‘Kandila’ (Part 9)
SINAMAHAN ko si Noime sa pagsisimba sa Quiapo. Taimtim kaming nagdasal habang nakaluhod. Habang nagdarasal si Noime, iniiwasan kong tingnan ang mga nakasinding kandila sa altar. Nakatungo lang ako. Hindi ko maipaliwanag ang takot kapag nakakita ng kandila na may sindi. Pakiramdam ko, humahapdi ang mga peklat sa aking dibdib at tiyan na napaso ng kandila noon. Napapangiwi ako.
Nang matapos ang misa, nagpaalam si Noime sa akin na magtitirik siya ng kandila na nasa gawing likuran.
“Dun mo na lang ako hintayin sa pinto sa harap ng Carriedo,” sabi ni Noime.
“Marami akong ititirik na kandila.”
Nagtungo ako sa pinto na nasa tapat ng Carriedo St. Matagal kong hinintay si Noime.
“Marami akong ipinagtirik ng kandila,” sabi ni Noime nang dumating. “Sana matupad ang hinihiling ko. Sa sunod na Biyernes, samahan mo uli ako rito ha, Rody?”
“Oo.”
Umalis na kami. Nakahawak sa kamay ko si Noime.
(Itutuloy)
- Latest















