‘Bunot’ (Part 7)
NANG umunlad ang aking negosyo mula sa bunot ng niyog, nakabili ako ng mga lupain at pinataniman ko ng niyog. Pawang niyog ang ipinatanim ko. Naisip ko, kailangang makapagpundar nang malawak na pataniman para hindi maputol ang aking negosyo.
Bukod sa aning niyog sa aking lupain, binibili ko rin ang mga niyog sa buong barangay. Hindi na kailangang koprahin ang mga niyog nila sapagkat binibili ko na per piraso ang buong niyog.
Doble ang pakinabang ko dahil ibebenta ko naman ang nabalatang niyog sa mga biyahero. Tanging bunot ang kailangan ko sa mga niyog.
Dahil malaki na ang aking kita, pinagpahinga ko na si Itay sa pagbubukid —isa pa, matanda na rin siya. Hindi na niya kailangang magsaka at magkopra.
Sabi ni Itay at Inay sa akin, hindi raw sila makapaniwala sa nakamit kong tagumpay na nagsimula lamang sa bunot.
Hindi raw nila akalain na magkakaroon kami nang maraming taniman ng niyog gayung dati ay nakikisaka lamang at madalas na kapusin sa mga pangangailangan. Sabi nila, humahanga raw sila sa aking mga plano sa buhay.
Sagot ko naman, lahat ay makakamit kung pagsisikapan at huwag susuko sa mga pagsubok sa buhay. Sabi ko pa, ang matibay na pananampalataya sa Diyos ay lubhang kailangan sa pagtatagumpay. (Itutuloy)
- Latest




















