^

Punto Mo

Bakit umaalis ang mga scientist?

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

ISANG postdoctoral research fellow sa Switzerland ang Pilipinang scientist na si Jan Elain Soriano, na una munang nagtrabaho bilang researcher sa Canada. Sa isang panayam sa kanya sa The Global Filipino Magazine kamakailan, inamin niyang doon niya lubos na naunawaan kung gaano kalawak ang mundo para sa mga mananaliksik.

“When I was living in the Philippines, my options felt limited, as though there were only a few paths available to me. Moving to Canada broadened those possibilities… Finally, coming to Switzerland opened things up even further,” sabi ni Soriano.

Para sa kanya, hindi lamang propesyon kundi pananaw sa buhay ang nabuksan sa ­pangingibang-bansa — lalo na nang makatrabaho niya ang mga world-class scientist na hindi lang mahusay sa kanilang larangan kundi may malasakit sa lipunan.

May kahawig na kuwento ang batang astrophysicist na si Lance J. W. Kosca. Pagkatapos niyang magtapos ng Applied Physics and Materials Engineering sa Ateneo de Manila University noong 2022, isang taon siyang naghanap ng trabaho rito sa Pilipinas.

Binanggit niya sa isang panayam sa Filipino Times na mahigit 300 kompanya ang kanyang inaplayan — ngunit walang tumanggap. Sa bandang huli, ang United Arab Emirates ang nagbukas ng pinto para sa kanya. Doon siya nakapasok sa larangang dati’y hindi maabot dito sa atin, at doon niya ipinagpatuloy ang pangarap bilang siyentista sa kalawakan.

Sina Soriano at Kosca ay sumasalamin sa realidad nang maraming batang Pilipinong siyentista — mga utak na hinubog dito ngunit nagbunga sa ibang lupain. Ayon sa grupong Agham – Advocates of Science and Technology for the People, tumaas nang 182.5 porsiyento ang bilang ng mga science and technology professionals na lumabas ng bansa mula 1990 hanggang 2010.

Mula 1990 hanggang 2015, tinatayang 3.7 milyong Pilipino ang nagtapos ng kursong pang-agham, ngunit 19.6 porsiyento lamang sa kanila ang nakapasok sa trabahong may kaugnayan sa siyensiya o teknolohiya. Ang mas malaking 80 porsiyento ay napilitang pumasok sa ibang larangan o mag-abroad upang makahanap ng maayos na kabuhayan.

Upang kontrahin ito, may Balik Scientist Program (BSP) ang Department of Science and Technology (DOST). Naitatag ito noon pang 1975 upang hikayatin ang mga Pilipinong scientist sa ibang bansa na bumalik at magbahagi ng kaalaman.

Ayon sa DOST, umabot na sa 697 balik scientists ang nakatulong sa iba’t ibang proyekto mula sa agrikultura hanggang information technology. Ilan sa kanila, ayon kay DOST Secretary Renato Solidum Jr., ay piniling manatili rito at tinulungan ng gobyerno sa pamamagitan ng research grants at laboratory funding.

Ngunit walang malinaw na tala kung ilan sa mga balik-scientist ang nanirahan nang tuluyan sa bansa. Ang totoo, habang may mga umuuwi, patuloy din ang paglabas ng iba. Sa bawat scholar o researcher na nakakabalik, may ilan namang nakakatanggap ng permanent residency o citizenship sa bansang kanilang piniling tirhan.

At sino ba naman ang hindi matutuksong manatili sa ibayong-dagat kung nandoon ang maayos na pasahod, kumpletong laboratoryo, at respeto sa kanilang propesyon?

Kaya hindi na nakapagtataka kung bakit may mga Pinoy scientist sa North America, Europe, Middle East, o Asia na nagtatagumpay sa kani-kanilang larangan.

-oooooo-

Email: [email protected]

APPLIED

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with