Munting ligaya sa araw-araw
ITO ‘yung mga simpleng sandali na nagiging “perfect” dahil sa saya at lambing ng karanasan
• ‘Yung biglang umulan pagkatapos mong diligan ang mga halaman, na para bang nakikipagbiruan ang langit sa’yo.
• ‘Yung nagising ka nang kusa, hindi dahil sa alarm clock, kundi dahil sapat na sapat ang tulog mo.
• ‘Yung unang lagok ng malamig na tubig matapos kang maglakad nang matagal sa ilalim ng araw.
• ‘Yung natapos mo sa wakas ang librong matagal mo nang gustong basahin.
• ‘Yung kapatid mong kuripot bigla kang inilibre ng meryenda, kahit hindi mo naman hinihingi.
• ‘Yung sinagot ka ng taong matagal mo nang gusto — kahit simpleng “oo” lang sa chat.
• ‘Yung nawala mong gamit, tapos biglang lumitaw sa lugar na ilang beses mo nang hinanap.
• ‘Yung pinuri ka ng boss mo o ng teacher mo sa harap ng iba — kahit simpleng “good job!” lang.
• ‘Yung habang naglalakad ka pauwi, may biglang humuni na magandang kanta sa playlist mo — sakto sa mood mo.
• ‘Yung nag-sorry sa iyo ang taong hindi mo inakalang marunong umamin ng mali.
• ‘Yung nagkatinginan kayo ng matagal ng taong gusto mo, tapos sabay kayong ngumiti.
• ‘Yung unang kagat mo sa crispy at mainit na turon na bagong prito sa kanto.
• ‘Yung napatawad mo na pala ‘yung taong matagal mong kinikimkiman ng galit.
• ‘Yung sabay-sabay kayong tumawa ng pamilya mo sa isang simpleng kuwento habang sabay kumakain ng hapunan.
• ‘Yung ginabi ka sa daan, pero pag-uwi mo, naghihintay pala ang mainit na sabaw at yakap ni Mama.
- Latest















