‘Sandok’ (Part 15)
IBINUHOS ko ang paghampas ng sandok sa mukha ni Willy. Sapol sa pisngi!
Napa-“aray” si Willy. Nag-apoy ang mga mata sa galit dahil sa ginawa kong paghampas.
Patuloy siyang lumapit sa akin. Pero nakahanda na ako. Nahagilap ko ang pinakamalaking sandok na ginagamit na panghalo ng arroscaldo. Ginawa pa ni Itay ang sandok na iyon na ang bao ng niyog na ginamit ay sobrang tigas. Ganundin naman ang tangkay na kawayan na kasing laki ng baston. Iyon ang pinakamatibay na sandok na ginawa ni Itay at sa tantiya ko ay nasa 40 taon pero napakatibay.
Paglapit ni Willy, hinampas ko uli siya. Sapol sa ulo! Dumugo!
Hinipo ni Willy ang ulo at nang makapa na may dugo ay lalong nag-ulol sa galit. Muling sumugod!
“Papatayin kita!” sabi.
Pero buo na ang loob ko. Hindi ako natakot sa hayop na si Willy.
Paglapit niya, sunud-sunod at malalakas ang pinakawalan kong hampas. Habang hinahampas, nagsisigaw ako. Malakas.
“Thelma! Thelma! Tulungan mo ako! Mga kapitbahay, tulong.”
Dumating si Thelma at pagkaraan ay ang aming kapitbahay.
“Gusto akong gahasain ng hayop na ito!” sigaw ko.
Dinumog ng mga kapitbahay kong lalaki si Willy. Pinagsusuntok at sinipa. (Itutuloy)
- Latest















