‘Sandok’ (Part 10)
DINALA ko ang pagkain ni Willy sa kanyang mesa. Ang pinsan kong si Thelma ang nagpresenta na magdadala ng pagkain pero sinansala ko. Makahulugan ang pagkakatingin sa akin ni Thelma. Hindi ko siya pinansin.
“Eto na ang pagkain mo Willy,’’ sabi ko at binaba sa mesa ang tray ngt pagkain.
“Wow ang sarap sigurado ng mga yan dahil ikaw ang nag-serve.”
Ngumiti lang ako.
“Maupo ka muna, Marie. Wala pa namang customer. Magkuwentuhan muna tayo.”
“Ha? A e.”
“Sige na magkuwentuhan muna tayo—para lalo akong ganahan.”
Pinagbigyan ko si Willy. Naupo ako.
“Lalo akong gaganahan sa pagkain nito—kaharap ko ang magandang may-ari ng karinderya.”
“Matandang dalaga kamo,” sabi ko.
Nagtawa si Willy.
“Alam mo Marie, ang ganda mo? Balak ko na tuloy wakasan ang pagiging binata.”
“Binata ka pa?”
“Oo. Nalibang ako sa pagnenegosyo kaya nakalimutan ko ang pag-aasawa.”
“Talagang binata ka o nagbibiro ka lang?”
“Mukha ba akong palabiro?”
“E kasi parang hindi ka binata.”
“Binata ako, Marie. Kaya nga malakas ang loob ko na ligawan ka.”
Hindi ako nakapagsalita.
Nahuhulog ang loob ko kay Willy. (Itutuloy)
- Latest















