Ilan ang bituin sa langit?
Bukod sa buwan, ulap, bulalakaw, planeta, satellite, at space station, kapansin-pansin din sa kalangitan ang mga bituin. Puti ang karaniwang kulay ng mga ito, ngunit mayroon ding pula, dilaw gaya ng Araw, kahel, at asul. Ang pagkakaiba-iba ng kulay ay dahil sa temperatura ng bituin: ang mga asul ay pinakamainit, umaabot sa milyong degree Celsius sa ibabaw, habang ang mga pulang bituin ay mas malamig.
Sa mahabang panahon, naging bahagi na sila ng ating kultura—pinagmamasdan sa katahimikan, isinusulat sa panitikan, ginagamit bilang gabay ng mga mandaragat at ibang manlalakbay, at pinagkukunan ng pag-asa at inspirasyon.
Madalas nating akalaing kumukutitap ang mga bituin. Sa katunayan, hindi sila mismo ang kumikislap; ang liwanag nila ay nag-iiba dahil sa pagdaan sa pabago-bagong atmosphere ng Daigdig, isang phenomenon na tinatawag na scintillation.
Ito rin ang dahilan kung bakit nakasanayan nating iguhit ang bituin na may limang matutulis na sulok. Laging may limang dulo ang mga bituin sa mga litrato, pelikula, painting, dekorasyon, parol, bandila, medalyon, at iba pa, pero sa siyensiya, ang tunay na anyo ng mga bituin ay halos bilog na gaya ng Araw.
Minsan, may mga taong naglilibang sa pagbibilang ng mga bituin sa langit, ngunit malinaw na imposibleng magawa ito. Limitado ang nakikita ng ating mata; ang mga maliwanag na tuldok sa gabi ay pawang mga bituin sa loob ng Milky Way Galaxy na kinabibilangan ng ating solar system.
Ang Araw lamang ang bituin sa ating solar system habang ang iba ay nasa labas nito. Ang pinakamalapit na kapitbahay na bituin, Proxima Centauri, ay nasa mahigit apat na lightyears ang layo, na katumbas ng humigit-kumulang 40 trilyong kilometro. Sa kasalukuyang bilis ng mga spacecraft ng tao, aabutin ng libu-libong taon bago marating iyon.
Dagdag pa rito, hindi lahat ng bituin ay nag-iisa; ang ilan ay kabilang sa binary o multiple star systems kung saan dalawa o higit pang bituin ang umiikot sa isa’t isa. Ang pagkakaroon o kawalan ng umiikot na planeta sa isang bituin ay hindi palaging indikasyon kung ito ay single star, dahil maraming planeta ang hindi pa natutuklasan dahil sa limitasyon ng kasalukuyang obserbasyon.
Kaya mas ligtas sabihing ang isang bituin na nag-iisa sa gravitational na sistema nito ay single star, at maaaring o hindi maaaring may umiikot na planeta, na nagbibigay-diin sa lawak at komplikasyon ng ating pagkaunawa sa uniberso.
Gaano nga ba karami ang bituin sa buong uniberso? Tinatayang may mahigit 100 bilyong bituin sa Milky Way. Ngunit hindi iisa lamang ang galaxy na umiiral—ayon sa pinakahuling pagtataya ng mga astronomo, may humigit-kumulang dalawang trilyong galaxy sa observable universe.
Kung ipaparami ang bilang ng mga galaxy sa dami ng bituin sa bawat isa, lalabas na nasa 200 sextillion ang posibleng kabuuang bilang ng mga bituin, isang numerong may dalawampung zero.
Para mailarawan ang laki nito, ikinuwento ng astronomong si Brian Jackson ng Boise State University sa The Conversation na parang sampung ulit ng bilang ng mga tasa ng tubig sa lahat ng karagatan sa Daigdig ang katumbas ng dami ng mga bituin sa kalawakan.
-oooooo-
Email: [email protected]
- Latest




















