^

Punto Mo

Windows 10 ibuburol na!

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

MALAPIT na ang Oktubre 14, 2025—ang huling araw ng libreng update para sa Windows 10, isa sa pinaka-popular na operating system (OS) ng Microsoft para sa desktop at laptop. Sa mga hindi pamilyar, ang OS ang pinakapuso ng isang computer—ito ang nagpapatakbo at nag-uugnay sa mga hardware at software.

Pagkatapos ng petsang iyon, magagamit pa rin ang Windows 10 pero wala nang libreng update. Meron namang opsyon na magbayad para sa tinatawag na Extended Security Updates (ESU), pero hanggang Oktubre 2028 na lang ang itatagal nito. Ibig sabihin, kahit gusto mong magbayad, may takdang panahon lang bago tuluyang mahinto ang susuportahan sa Windows 10.

Kapag wala nang update, mas malaki ang banta ng virus, malware, at iba pang security risks. Maaaring gumamit ng antivirus, pero hindi nito lubos na mapapalitan ang opisyal na proteksyon mula sa Microsoft. Bukod pa rito, unti-unti nang lilipat ang mga apps, browser, at websites sa Windows 11. Kaya’t posibleng makaranas ng aberya ang mga mananatili sa Windows 10.

Paano kung masira ang computer at kailangan ng reformat? Maaaring makagawa ng paraan ang technician para ikabit muli ang Windows 10, pero hindi na ito kasing ayos ng dati at baka mas lalo pang bumagal o magkaroon ng error.

Problema rin ang paglipat sa Windows 11 kung luma na ang PC. Kadalasan, kailangan ng dagdag na RAM, mas bagong processor o motherboard, o mismong bagong unit. Hindi biro ang gastos para sa ordinaryong Pinoy user na sanay na sa Windows 10 at limitado ang budget.

Sa Pilipinas, Windows 10 pa rin ang pinakamaraming gamit sa mga PC, gaya rin ng nangyari noon sa Windows XP at Windows 7 na tumagal kahit lampas na sa support period.

Mayroon namang alternatibong OS tulad ng Linux, na gamit sa ilang eskuwelahan at developers, at MacOS ng Apple na kilala sa tibay pero hindi kayang abutin ng bulsa ng nakararami. Dahil mas mura at compatible sa maraming hardware at software, nananatiling default choice ang Windows para sa karamihan ng Pinoy consumers.

Kung ikukumpara sa smartphone, mas kakaunti ang pagpipiliang OS sa mga PC. Sa mga cellphone, halos 95% ng gumagamit sa Pilipinas ay Android, habang nasa 5% lang ang iOS ng Apple (StatCounter, Agosto 2025).

Pero kahit maraming OS ang smartphone, hindi ito napapansin ng mga konsumer—mas abala sila sa camera, memory, bilis, baterya, presyo, social media, at WiFi. Ang hindi alam ng marami, hindi tatakbo ang smartphone kung wala ang OS.

Kung tutuusin, magagamit pa rin ang Windows 10 kahit wala nang update. Maaari itong gamitin sa paggawa ng reports, assignment sa eskuwelahan, taguan ng mga files o mahahalagang dokumento, pagsusulat, trabaho, panonood ng video, at pakikinig ng musika.

Mas mainam lang na huwag laging nakakonekta sa internet para maiwasan ang panganib. Sa katunayan, may ilang gumagamit pa rin ng Windows XP at Windows 7 hanggang ngayon kahit matagal nang wala itong suporta mula sa Microsoft.

Pero tandaang habang tumatagal, darami ang limitasyon ng Windows 10. Isa itong sitwasyon na parang lumang sasakyan—umaandar pa pero wala nang insurance, at baka biglang masira sa gitna ng biyahe.

Kung hindi mo pa kayang lumipat sa Windows 11, maging maingat sa paggamit ng Windows 10.

-oooooo-

Email: [email protected]

OS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with