^

Punto Mo

Ano ang pagkakaiba?

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

UNANG naganap ang EDSA People Power Revolution noong Pebrero 22-26, 1986 kung saan hinangaan tayo ng buong mundo dahil sa ating mapayapang rebolusyon. Ang pagkilos na iyon ay nagpabagsak sa rehemeng militar ni Presidente Ferdinand Marcos. Noong Enero 17-20, 2001, naganap ang ikalawang EDSA People Power Revolution na nagpatalsik naman kay dating Presidente Joseph Estrada dahil sa isyu ng korapsyon.

Nitong nakaraang Linggo, Setyempre 21, na anibersaryo ng batas militar, may mga higing-higing na baka magkaroon tayo ng ikatlong rebolusyon dahil sa libu-libong taong dumagsa sa Luneta at sa EDSA upang iprotesta ang bilyung-bilyong pisong anomalya sa mga flood control projects na kinasasangkutan ng matataas na opisyal ng gobyerno.

May mga tila nagsasawa na, paulit-ulit na lang daw ang nangyayari na tulad ng sinabi ni Karl Marx na, “Inuulit lang ng kasaysayan ang kanyang sarili, una’y bilang trahedya, pagkatapos ay susundan ng kakatwang tagpo, at saka uulit uli.”  Parang sirkulong paikut-ikot. Kaya’t ang tanong ng marami, pagkatapos ng malawakang protesta ay ano na? Baka kapag may mangyaring mas malalang kaganapan ay makalimutan na hanggang sa muli lamang maaalala kapag may naulit na namang pangyayari. Haay, nakakapagod at nakakasawa, buntung-hininga ng marami!

Dapat ba tayong mapagod at magsawa? Hindi dapat, dahil may malaking pagkakaiba ang nangyari noong September 21, kumpara sa mga nangyari noong Pebrero 1986 at Enero 2001. 

Una, ang puntirya ng mga pagkilos noong 1986 at 2001 ay mga personalidad--si Presidente Marcos at Presidente Estrada. Nitong nakaraang Linggo, ang puntirya ay hindi partikular na personalidad, kundi maselang isyu, ang isyu ng malala at sistematikong korapsyon.

Ito’y isang napakahalagang pag-angat sa kamulatan ng mga mamamayan. Dahil dito, nagkasama-sama kahit ang magkakaibang partido, samahan, relihiyon at ideolohiya. Napakalaki ng pinagsama-samang puwersa kung kaya’t natameme ang mga DDS na ang gustong ibandera ay ang pagpapauwi kay Digong at ang mga makakaliwa na ang gustong ipagsigawan ay ibagsak si BBM.

Ikalawa, karamihan sa mga sumama sa kilos protesta ay mula sa millennials at Gen Z na kilala sa pagiging digital natives (bihasa sa internet, social media at makabagong teknolohiya) at may mataas na kamulatang panlipunan. Mulat sila sa mga isyung pambansa at hindi sila madaling mapaniwala ng mga gimik pulitikal.

Nauna na rito, ang mga mag-aaral sa mga unibersidad ng estado na katulad ng University of the Philippines ay naglabasan sa kanilang mga klase, kasama na ang mga propesor, upang kundinahin ang malawakang korapsyon. Sila ang mga tunay na pag-asa ng bayan na binanggit ni Jose Rizal.  Hindi kasama rito ang mga kabataang nanggulo, nanira, nagnakaw, at nanakit ng mga pulis sa Maynila sa kasagsagan ng malawakang protesta. Kamangha-mangha ang ipinakikitang pagiging makabayan ng mga millennials at Gen Z na siyang susunod na mga lider ng ating bansa.

Ikatlo, katotohanan ang hanap ng mga grupong sumama sa malawakang protesta hindi lamang sa Luneta at EDSA kundi sa iba’t ibang siyudad at munisipalidad ng Pilipinas.  Kailangan na tayong lumaya sa pagkaalipin ng kasinungalingan na siyang gatong na nagpapaapoy sa korapsyon. Wika ni Hesus sa Juan 8:32, “Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” Nakasalig sa katotohanan ang ating paglaya sa korapsyon.

Nasa katotohanan ang huling halakhak!

EDSA PEOPLE POWER REVOLUTION

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with