‘Sandok’ (Part 2)
DAHIL ako ang panganay, ako ang naging tagaluto sa aming pamilya. Ipinagkatiwala sa akin ni Inay ang pagluluto habang siya ay inaasikaso ang mga tanim na gulay sa likod bahay.
Masasabi kong masarap din naman akong magluto dahil walang reklamo sina Itay at Inay at ganundin ang mga kapatid ko. Sarap na sarap sila kahit na simpleng isdang prito at gulay na halo-halo o bulanglang. Wala silang pintas at nagpapasalamat pa nga sa aking malinamnam na luto.
Kapag tinatanong ako ng aking mga kapatid ang sekreto ng masarap kong luto, ang sagot ko: dahil sa sandok.
Hindi na ako nakapagkolehiyo dahil sa kakapusan ng pera. Isa pa’y nagkasakit si Itay sa atay na naging dahilan ng kanyang kamatayan.
Kaya ako ang pumasan sa responsibilidad sa pagpapaaral sa aking mga kapatid. Pinanindigan ko ang pagluluto. Nag-aral ako ng luto na iba’t ibang putahe at nagtayo ako ng karinderya sa harap ng aming bahay.
Pumatok. Dinagsa ang karinderya. Masarap daw ang luto. Dahil pumatok, napag-aral ko ang aking mga kapatid.
Kapag wala silang pasok, ay tumutulong sila sa akin sa karinderya. Naghuhugas sila ng pinggan, sandok at mga kutsara.
(Itutuloy)
- Latest















