^

Punto Mo

6,000 planeta kumpirmado

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

NAKAMAMANGHA ang pinakahuling ulat mula sa National Aeronautics and Space Administration ng U.S.: umabot na sa 6,007 ang bilang ng mga kumpirmadong exoplanet o mga planetang umiikot sa ibang bituin maliban sa ating Araw. Bagaman tila marami na ito, sa teorya ay tinatayang bilyun-bilyon ang posibleng umiiral sa buong uniberso ngunit hindi pa natutuklasan o nakukumpirma ng mga siyentipiko. Ang talaan ay hawak ng NASA Exoplanet Archive na pinangangasiwaan ng California Institute of Technology. Hindi ibig sabihin ay Amerika lamang ang nagtatrabaho rito sapagkat pinagsama-sama rito ang resulta ng pananaliksik ng mga astronomo at observatory sa iba’t ibang panig ng mundo. Ang naging pangunahing susi ay ang mga teleskopyong inilunsad ng NASA tulad ng Kepler, TESS at kamakailan lamang ay ang James Webb Space Telescope. Sa loob ng tatlong dekada, patuloy na nadaragdagan ang bilang ng mga planetang nadidiskubre.

Noong 1995 unang nakilala ang isang exoplanet na pinangalanang 51 Pegasi b, isang higanteng gas planet na halos kasinglaki ng Jupiter at matatagpuan 50 light years mula sa Earth. Simula noon, tuluy-tuloy na ang mga nadadagdag sa talaan. Bukod sa 6,007 na kumpirmado, may mahigit 8,000 pang kandidatong planeta ang naghihintay ng pormal na pag-apruba. Ang mga ito ay nakapaloob sa mahigit apat na libong planetary system, na ilan ay may higit pa sa isang planeta.

May iba’t ibang anyo ang mga planetang ito. Karamihan ay malalaking gas giant na parang Jupiter, marami rin ang kasinglaki ng Neptune, at may tinatawag na super-Earths na bahagyang mas malaki kaysa sa ating mundo ngunit mas magaan kaysa sa Neptune at Uranus. Mayroon ding mabatong planeta na halos kahawig ng Earth at ilan pang hindi pa tiyak ang klasipikasyon. Ang pinakamalaking tanong: may nabubuhay ba sa mga ito? Hanggang ngayon, wala pang matibay na ebidensya na may ibang nilalang sa alinman sa mga planetang natuklasan. Gayunman, may ilan na nasa tinatawag na “habitable zone” o tamang layo mula sa kanilang bituin upang magkaroon ng liquid water, pangunahing sangkap ng buhay. Sa tulong ng makabagong teleskopyo, sinusuri ng mga siyentipiko ang atmospera ng ilang piling exoplanet upang maghanap ng kemikal na maaaring senyales ng biological activity tulad ng oxygen at methane.

Sa kasalukuyan, hindi pa kayang marating ng tao ang alinman sa mga ito. Tanging pagmamasid mula sa malayo at mga computer simulation ang magagawa natin. Gayunman, patuloy ang pag-asa na balang araw, sa tulong ng artificial intelligence at mas mabilis na propulsion systems, makakapagpadala tayo ng mga robotic probe upang masilip nang mas malapitan ang ibang mundo.

Lumilitaw na hindi natatangi ang ating Daigdig sa uniberso. Kung tayo lamang ang may buhay, tila napakalaking aksaya ng napakalawak na kalawakan. Ngunit kung mayroon ngang nabubuhay sa alinman sa mga planetang iyon, maaaring hindi ito kapareho ng ating nakasanayang anyo ng buhay. Maaaring kakaiba, hindi gaya ng nakikita natin dito sa Earth.

May haka-haka rin na maaaring magsilbing alternatibong tirahan ng tao ang ibang planeta sakaling dumating ang panahong maging masikip o mapanganib na ang Daigdig. Malayo pa ito sa katuparan—kung mangyayari man talaga. Sa ngayon, tanging ang Mars sa ating Solar System ang seryosong pinag-aaralan ng mga dalubhasa dahil sa nakikitang potensyal nito.

-oooooo-

Email: [email protected]

NASA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with