Walang takas ang mga korap
MGA buwaya, halimaw, at unipormadong magnanakaw ng bayan, makinig kayo hindi na kayo ligtas sa liwanag. Ang mga bakas ng dumi, pekeng proyekto, at mamahaling sasakyang galing sa kaban ng bayan ay malinaw na pruweba na hindi biro ang galit ng masa.
Mula SONA hanggang sa paglusob sa mga ghost project, ipinakita ni PBBM na hindi lang siya marunong magbiro—kumilos siya. Inilunsad ang citizen-report sites, pinahinto ang ilang proyekto, at nagbukas ng sariling imbestigasyon. Malinaw seryoso ang sitwasyon at hindi puwedeng palampasin.
Tinapik ni PBBM ang mga pekeng kontratista at inilabas ang listahan ng mga tumangay ng bilyon. Ang sagot ng mga kurap? Tahimik. Nagkukubli. Nagmamadaling mag-alis ng palamuti at burahin ang tatak ng kanilang kasakiman. Pero huli na. Hindi na sapat ang pag-ayos ng plaka hinihingi na ng bayan ang bawiin ang bawat kusing.
At ano ang nangyari sa mga “makapangyarihan”? Bumagsak ang Speaker. Nagbitiw si Martin Romualdez, hindi dahil biglang nagising sa konsensya, kundi dahil hinila ng ilaw ang kanilang itim na transaksiyon. Kung ang sariling pinsan ng Pangulo ay hindi nakaligtas, sino pa ang makakakubra ng awa?
Huwag tayong paloko ang mga kurap ay hindi basta nagkamali. Sila ay sistematikong magnanakaw, mga artistang gumagawa ng pekeng invoice, at mga gangster na may opisina. Kung hindi mo kayang magpatayo ng maayos na dike o maglagay ng tamang semento, huwag mong ibenta ang pangako dahil ang pinagbentahan mo ay pawis at dugo ng mahirap.
Kahit kaalyado ka ng may kapangyarihan, kapag sumabog ang ebidensya, tatapakan ka. Ang mga nagpapanggap na malilinis ngayon ay hindi dapat palusutin. Bawiin ang bawat lote, bawat kilometro ng kalsada, bawat kontratang dinugasan. Ibenta ang mga luxury car, ipa-auction, at ibalik sa kaban ng bayan.
At kayong mga anak, bayaw, pinsan, at kasabwat na nagpapasa-pasa ng perang ninakaw huwag na kayong magpanggap. Ang lifestyle check at asset freeze ay hindi biro. Kung yayaman kayo dahil sa nakaw, hindi kayo makakatakas sa liwanag ng imbestigasyon.
Ang lingkod-bayan na may backbone hindi ang taksil na lider na nagkukubli sa likod ng mikropono habang nagpapatawan ng lingkod-basahan na sipsip. Sa panahon ng baha, hindi ang mamahaling retrato ang dapat itago, katarungan ang dapat ipaskil sa frame.
Sa huling salita, kung ikaw ay kurap at nababasa mo ito, huwag kang magpanggap na nagulat. Alam mo kung sino ka. Magsuko ka, ibalik ang ninakaw, at humingi ng tawad. Pero tandaan: hindi sapat ang salita. Aksyon ang hinihingi ng bayan.
Disklyamer: Ang sulatin na ito ay opinyon at pampublikong komentaryo na naglalayong maglahad ng matinding pagkontra sa katiwalian at mismong galit ng sambayanan. Ang mga terminong ginamit tulad ng “buwaya,” “halimaw,” at iba pang panlalait ay naglalarawan ng ugali at gawaing mapagsamantala, hindi literal na pag-uugnay o paninisi na walang batayan. Ang anumang tiyak na akusasyon na lumalabas sa ibang bahagi ng publikasyon ay dapat patunayan sa pamamagitan ng lehitimong imbestigasyon at ebidensiya. Ang layunin ng artikulong ito ay mag-udyok ng pananagutan, transparency, at pagsunod sa batas.
- Latest















