Ang mayor at ang kabaong ng ginto
Sa bayan ng San Roque, kilala si Mayor Afredo bilang matalino at mapagbigay. Lagi siyang nakangiti tuwing fiesta, namimigay ng libreng t-shirt at bigas sa mga tao, at lagi niyang sinasabi sa entablado: “Ang pondo ng bayan, ibabalik ko sa inyo.”
Ngunit sa likod ng makukulay na tarpaulin at magagarang poster, may lihim siyang itinatago. Gabi-gabi, dumadating ang mga trak ng semento, bakal, at hollow blocks para sa mga proyektong diumano’y pampaaralan, health center, at kalsada. Pero ang mga materyales palang iyon ay para sa pagpapatayo ng mansiyon niya. Sa basement ng kanyang mansiyon ay may nakatago siyang antigong gintong kabaong kung saan doon niya itinatago ang perang nakukulimbat niya. Mahahalata kasi kung sa banko niya ito itatago. May pamahiin siya na lalong dadami ang pera kung sa gintong kabaong itatabi.
Dumating ang panahon na unti-unti nang nagagalit ang mga tao. Ang kalsadang ipinangakong tatapusin ay nanatiling lupa’t putik; ang health center ay butas-butas na pader lamang; at ang paaralang dapat may bubong ay tinutubuan na ng damo. Isang guro ang naglakas-loob, si Ma’am Liza. Sa kanyang pagtuturo ng History, madalas niyang sabihin: “Ang kasakiman ang ugat ng pagbagsak ng lipunan.” At isang araw, nagdala siya ng ebidensiya mga retrato, resibo, at mga dokumentong nagpapatunay na ang kaban ng bayan ay ninanakawan.
Nag-alsa ang mga tao. Nilusob nila ang mansiyon ni Mayor, at noon nila natuklasan ang kabaong ng ginto. Ngunit sa kanilang pagkabigla, nakita nila si Mayor mismo ay nakahandusay sa tabi ng kabaong. Ayon sa sabi-sabi, siya’y biglang inatake sa puso habang sinusubukan buksan at bilangin muli ang kanyang nakaw na yaman.
Sa huli, naiwan sa kabaong ang mga gabundok na pera ngunit hindi na ito nagamit para sa pansariling kasakiman. Sa halip, ang bayan ng San Roque mismo ang nagpasya: ginamit nila ang salaping iyon para ipatayo ang mga paaralan, ospital, at kalsadang matagal nilang pinangarap.
At ang pangalan ni Mayor Alfredo? Hindi na muling binanggit, maliban na lamang kapag may pinapangaralang mga bata:
“Huwag ninyong tularan si Mayor Alfredo. Ang kasakiman ay nag-aakay patungo sa kamatayan.”
- Latest















