‘Duyan’ (PART 2)
Dahil paborito naming magkakapatid ang duyan, nagpagawa si Itay ng anim na duyan na gawa sa uway (rattan). Itinali iyon ni Itay sa puno ng mangga na nasa harap ng aming bahay. Malaki ang punong mangga kaya nagkasya roon ang anim na duyan sa pagkakasabit. Sabi ni Itay, ang punong mangga ay tinanim pa ng aming lolo (ama ni Itay) noong panahon pa ng pananakop ng mga Hapon.
Kaya lalo na kaming walang pagsidlan sa tuwa kapag sabay-sabay na nakasakay sa duyan. Napakatibay nang pagkakagawa ni Itay sa duyan kaya kahit iduyan ito nang iduyan ay hindi nasisira.
Sa aming anim na magkakapatid, ako lamang ang labis na nagpapahalaga sa duyan. Kapag natapos na akong gamitin ang duyan ay tinatakpan ko ito ng malapad na karton para proteksiyon. May pagkakataong sinasampahan ng mga manok at dun nangingitlog. May pagkakataong, dun natutulog ang mga pusa.
Dahil sa pag-iingat ko sa aking duyan, napanatili ko itong bago at malinis.
Hindi ko maipaliwanag sa aking sarili kung bakit ganun na lamang ang pagmamahal ko sa duyan.
(Itutuloy)
- Latest

















