EDITORYAL - Nangilid ang luha

UNANG pinahagingan ni President Ferdinand Marcos Jr. ang mga nagsasamantala sa bayan nang ideliber niya ang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 28, 2025. Pinasaringan niya: “Mahiya naman kayo sa mga kabahayan nating naanod o nalubog sa mga pagbaha! Mahiya naman kayo lalo sa mga anak natin na magmamana sa mga utang na ginawa ninyo, na binulsa niyo lang ang pera.”
Sunod na buwan, inihayag ni PBBM ang 15 kompanya na nakakopo ng bilyong pisong kontrata sa Department of Public Works and Highways (DPWH). Kasunod ay ang ginawa niyang pag-inspeksiyon sa mga bayan sa Bulacan.
Tinungo niya ang ginagawang flood control project sa Calumpit, Bulacan para inspeksiyunin. Hindi naitago ang galit ni Marcos nang makita ang dike na dapat ay puprotekta sa baha. Palpak ang Rehabilitation of the River Protection Structure sa Calumpit kaya nagdurusa ang mga residente. Nakita ng Presidente kung paano tinipid ang construction ng dike. Tinukoy ang St. Timothy Construction Corporation na nakakuha ng kontrata para sa flood control project. Pananagutin aniya ang St. Timothy ukol dito.
Sunod niyang pinuntahan ang riverwall project sa Bgy. Piel, Baliuag, Bulacan at lalong sumiklab ang galit ng Presidente sapagkat wala pang nasisimulan sa proyekto. Talagang nagmistulang “multo” ang proyekto sapagkat walang makitang bakas ng bilyones na nakopo ng contractor. Nakuha na ang bayad pero walang natapos na proyekto na magpuprotekta sa baha.
Nagtungo rin siya sa Benguet at Baguio. Nakita niya ang mga palpak na proyekto. Halatang pinagkakitaan nang malaki gayung hindi pa tapos. Overpriced ang mga biniling pangharang sa lupa sa gilid ng bundok. Ang mga cats eye o pananda sa kalsada na nagkakahalaga lamang P3,000 bawat isa ay naging P10,000 na. Hindi naman naitago ng Presidente ang galit. Nag-umigting sa kanyang pisngi ang pagngangalit ng mga ngipin.
Habang nag-iinspeksiyon siya sa Northern Luzon, may nagsasagawa rin ng pag-iinspeksiyon sa Oriental Mindoro at nakita roon ang maraming ghost projects. Kung bibisitahin ng Presidente ang lawak ng mga nasirang kabuhayan sa Oriental Mindoro dahil sa baha, mapapasuntok siya sa galit.
Nang kapanayamin ang Presidente ni Vicky Morales ng GMA Integrated News, naging emosyonal at maluha-luha siya dahil sa kalagayan ng mga mahihirap na Pilipino. Sinabi niya, “I’m teary-eyed kasi I’m very upset. Nakikita ko ang mga tao na nahihirapan, and they don’t deserve it.”
Nakaluluha ang nangyayari sa Pilipinas na pinagsasamantalahan ang mga mahihirap. Magkaisa laban sa mga masisiba.
- Latest















