Same-day termination, tama ba?
Dear Attorney,
Tinanggal po ang asawa ko sa company dahil daw sa mga concerns ng mga kasama niya sa trabaho. Pero walang imbestigasyon na ginawa at sinabihan lang siya na huling araw na raw niya sa trabaho. Tama po ba ang ginawa ng HR? Maraming taon na po ang asawa ko sa kompanya. —Louie
Dear Louie,
Hindi po tama ang prosesong iyon. Ayon sa ating Labor Code at sa mga kasong napag-desisyunan ng Korte Suprema, may tinatawag na twin-notice rule sa pagtanggal ng empleyado.
Kahit pa ipagpalagay na may just cause o sapat na dahilan para tanggalin ang empleyado (tulad ng grave misconduct o insubordination), hindi puwede ang agarang termination ng isang empleyado ng walang pormal na proseso.
Dapat sundin ang tinatawag na twin-notice rule kung saan bibigyan ng NTE o Notice to Explain ang empleyado para ipaalam ang mga paratang laban sa kanya at bigyan siya ng pagkakataong magpaliwanag.
Kailangan din na padalhan ang empleyado ng Notice of Decision pagkatapos ng imbestigasyon, upang ipapaalam ang desisyon ng employer at ang ipapataw na parusa sa kanya, kung mayroon man.
Ang mahalaga ay may pagkakataon ang empleyado na sagutin ang mga paratang, sa pamamagitan man ng written explanation o hearing.
Kung hindi dumaan sa nabanggit na proseso ang pag- tanggal, maaring sabihin na illegal dismissal ang ginawang pag-terminate sa isang empleyado.
Sa sitwasyon ng asawa mo, malinaw na hindi sinunod ng HR ang tinatawag na due process. Ang biglaang pagtanggal sa kanya, base lang sa mga reklamo ng mga kasamahan nang walang imbestigasyon at sapat na oportunidad para mapakinggan ang kanyang panig ay maling proseso na puwedeng basehan ng reklamo.
May sapat na dahilan ang asawa mo na dumulog sa NLRC para igiit na siya ay illegally dismissed.
- Latest















