Copyright sa boses at mukha kailangan na? (Part 1)
Kasalukuyang niluluto sa Denmark ang isang batas na magbibigay sa bawat tao ng copyright o karapatang-ari sa sariling mukha at boses.
Ibig sabihin, hindi na basta-basta maaaring gayahin at gamitin ang iyong mukha at boses sa anumang aktibidad—lalo na sa internet, social media, at iba pang digital platform—nang walang pahintulot mo.
Kailangang humingi muna ng permiso o magbayad ng kaukulang danyos ang sinumang lalabag. Kung hindi, maaari silang maharap sa parusa sa ilalim ng naturang batas.
Magandang hakbang ito laban sa pang-aabuso gamit ang teknolohiya. Sana’y magkaroon din ng ganitong uri ng proteksiyon sa iba’t ibang bansa, kabilang na ang Pilipinas.
Totoo, mayroon na tayong mga umiiral na batas laban sa identity theft at paglabag sa privacy—pero iba pa rin ang konsepto ng copyright. Lalo na laban sa pamimirata sa mukha at boses ng isang tao.
Sa larangan ng sining at media, malinaw na ang copyright ay karapatan ng mga manunulat, makata, musikero, pintor, photographer, filmmaker, publisher, at iba pa sa kanilang likha.
Hindi maaaring kopyahin o ipakalat ang kanilang gawa nang walang pahintulot. Kung gayon, bakit hindi rin natin kilalanin ang parehong proteksiyon sa mismong pagkatao ng tao—ang kanyang mukha at boses?
Sa panahon ngayon ng digital age, kung saan napakalawak ng internet at social media, talamak ang mga pinirata at pekeng litrato at video.
Karaniwan na sa Facebook ang pagnanakaw ng larawan ng mga ordinaryong user na ginagamit para sa panloloko, panlilinlang, pang-aabuso, blackmail, pananakot, o paninira ng pangalan.
Nariyan din ang mga scammer at hacker na mas pinadali ang gawain gamit ang makabagong teknolohiya.
(Itutuloy)
- Latest















