^

Punto Mo

Araw, Buwan at Daigdig tapatan mamayang gabi

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

SANA maaliwalas ang panahon sa buong Pilipinas bukas ng madaling-araw, Lunes, para mas maraming makapanood sa “paglalarong” muli ng Araw, Buwan at ng Daigdig. Minsanan lang silang nagtatagpo sa kalangitan para magbigay ng libreng nakakabighaning palabas. Sa pagkakataong ito, kabilang ang Pilipinas sa mga bansa sa Asia, Africa at Eastern Europe na masisilayan nang buo ang panibagong lunar eclipse na tatagal ng limang oras at 27 minuto.

Nagaganap ang lunar eclipse kapag nakapuwesto ang Buwan, Daigdig at Araw sa iisang linya. Dahil umiikot ang Buwan sa paligid ng Daigdig, at ang Daigdig nama’y umiikot sa paligid ng Araw, may mga pagkakataong nagsasabay ang kanilang paglalakbay at napapagitnaan ng Daigdig ang Araw at Buwan.

Sa ganitong pagkakataon, natatakpan ng anino ng Daigdig ang liwanag na dapat sana’y tuwirang sumisinag mula sa Araw papunta sa Buwan. Pupula o tila namumulang kahel ang kulay ng Buwan kaya tinatawag itong Blood Moon. Nagaganap ito dahil, kahit natatakpan ng Daigdig ang gitnang sinag ng Araw, may liwanag pa ring nakakalusot mula sa gilid ng ating atmospera.

Sa Pilipinas, magsisimula ang lunar eclipse bandang alas-11:27 ng gabi ng Setyembre 7, Linggo, at aabot hanggang alas-2:12 ng madaling-araw ng Setyembre 8, Lunes. Tatagal nang 82 minuto ang Blood Moon. Hindi kasing delikado ang lunar eclipse kumpara sa solar eclipse na nangangailangan ng protective glasses. Maaari itong panoorin gamit lamang ang ating mga mata.

Kung nais mong mas malapitan ang tanawin, maaaring gumamit ng binoculars o telescope, ngunit hindi na kailangan ng anumang proteksiyon sa paningin. Ayon mismo sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, ligtas at madaling makita ito ng kahit sinong nagnanais makasaksi.

Mas mainam na panoorin ang lunar eclipse mula sa isang madilim at tahimik na lugar, batay na rin sa rekomendasyon ng mga astronomer. Ayon sa Earth Sky, mas malinaw at mas malaki ang karanasan kung mapapanood ito mula sa kanayunan o bukirin kung saan mas maraming bituin ang makikita at mas malawak ang tanawin. Maaaring gamitin ang cellphone camera para malitratuhan ang lunar eclipse.

Kung tutuusin, hindi lang basta tanawin sa kalangitan ang Buwan. Napakatagal na nitong bahagi ng buhay ng tao, ng kultura, relihiyon, pagsasaka, batayan ng iba’t-ibang aktibidad o paniniwala, kasama sa mga kuwento, pamahiin, panitikan at iba pa.

Sa darating na mga dekada, ilang bansa na ang nagtataguyod ng mga misyon papunta sa Buwan. Kung magpapatuloy ito, maaaring dumating ang panahon na may mga Pilipinong naninirahan doon. Napakalapit kung titigan, ngunit sobrang layo kung susukatin—umaabot sa 384,400 kilometro.

Subalit may isa pang katotohanang hindi gaanong napapansin. Ayon sa mga pag-aaral ng mga siyentista, unti-unti at dahan-dahang lumalayo ang Buwan sa Daigdig.

Hindi pa tiyak kung ano ang magiging epekto nito sa hinaharap, ngunit malinaw na may impluwensiya ito sa ating mundo at sa paraan ng pamumuhay ng tao. Maaaring sa ngayon ay isa lamang itong datos, ngunit sa mas malayong panahon, posibleng magdulot ito ng mga pagbabagong hindi pa natin lubos na nauunawaan.

-oooooo-

Email: [email protected]

DAIGDIG

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with